'Pasilidad dagdagan para kaso ng pagdumi, pag-ihi sa kalsada mabawasan'

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2020 07:56 PM | Updated as of Jan 03 2020 08:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kalimitang iniisip na isang patunay ng kawalan ng disiplina ang walang pakundangang pagdura, pagdumi at pag-ihi sa mga pampublikong lugar. 

Pero tingin ng sociology professor na si Hannah Lopez, may parte rin ang gobyerno para maging mas "disiplinado" ang kanilang mga pinamumunuan. 

Aniya, dapat tugunan ang mga kakulangan sa pasilidad, kung mayroon man. 

"Kailangan maintindihan natin kung mayroon ba tayong sapat na facilities, kung binibigay ba ng estado sa atin yung mga pangangailangan natin para masunod natin yung batas," ani Lopez. 

Dapat dagdagan ang mga pampublikong pasilidad gaya ng mga public restroom para mabawasan ang bilang ng mga taong umiihi, lalo na't may mga pagkakataon naman na hindi ito mapigil. 

"'Yun ang sinasabi ng mga tao tulungan niyo kaming magkaroon ng kapasidad na masunod yung batas kasi ginagawa namin ito hindi talaga sa dahil baboy kami, dugyot kami pero dahil walang wala kami," ani Lopez. 

Maaalalang nagalit si Manila Mayor Isko Moreno sa mga nagdudumi at umiihi sa paligid ng mga kalsada sa Divisoria. 

Maaaring may papel ang kawalan ng tiwala sa estado sa paglabag ng mga ordinansa, ayon pa kay Lopez. 

Halimbawa aniya rito ang hindi pagiging "consistent" ng mga law enforcer sa pagpapatupad ng batas, dahilan para hindi sundin ang kanilang mga patakaran. 

"Sa isa pong pag aaral nakita rin po kasi na ang mga Pilipino may general na mistrust sa law enforcement group natin. Kumbaga hindi nya nakikita na consistent ang pagpapatupad ng batas, hindi consistent kung sino yung hinuhuli," paliwanag pa niya. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.