Bus bumulusok sa malaking kanal sa Kidapawan City; 22 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2020 05:45 PM | Updated as of Jan 03 2020 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

KIDAPAWAN CITY — Sugatan nitong Biyernes ng madaling araw ang 22 tao matapos mahulog sa malaking kanal ang sinasakyan nilang bus na nawalan umano ng kontrol at tumama sa poste ng telco.

Mga gasgas at galos sa katawan ang tinamong sugat ng mga pasahero kasama ang mga drayber at konduktor ng Mindanao Star Bus dahil sa aksidente. 

Kuwento ng isa sa mga sakay, nagising na lamang siya sa lakas ng kalabog.

"Buti na lang di kami tumama sa puno ng acacia kasi kung dun sa harapan ako, di ko na talaga alam ano nangyari," ani Charlmagne Cadungog.

Nakuhanan pa ng isang pasahero ang kanilang paghahanap ng paraan para makalabas mula sa tumagilid na bus.
    
Madilim kasi at walang mga dumadaang sasakyan sa lugar nang mangyari ang aksidente.
    
Sa imbestigasyon ng mga pulis, nawalan umano ng kontrol sa bus ang tsuper na si Jayper Lu.

Hawak na ng Kidapawan police ang bus driver na tumangging magbigay ng pahayag.
    
Desidido naman ang ilang mga pasahero na maghain ng reklamo.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries ang driver.

Nangako naman ang bus management na tutulong sa mga sugatan.

    
—Ulat ni Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.