ALAMIN: Mga payong pangkaligtasan sa mga lalahok sa Traslacion

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2020 06:53 PM | Updated as of Jan 03 2020 07:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Bumabaha ng milyon-milyong deboto sa Maynila tuwing ika-siyam na Enero para sa Traslacion. 

Kaakibat nga lang nito ang pagku-krus ng landas ng panata, at peligro sa paglapit ng mga deboto sa imahen ng Poong Nazareno. 

Bagama't mahirap maabot ang imahen, may ilang diskarte na sinusundan ang mga debotong karaniwang dumadalo sa Traslacion. 

Para makalapit sa imahen, kailangang ilagay ang braso sa dibdib para mas makahinga at para hindi maipit ang kamay sa siksikan ng mga tao. 

May mga ginagamit din na signal ang mga deboto sa paghatak sa lubid at pagtulak sa andas. 

Halimbawa, "otso" ang sinisigaw kapag pumupulupot na ang lubid sa braso o katawan ng mga deboto. 

Baywang naman ang sigaw kapag kailangang ituwid ang lubid at salya para umabante. 
 
Nakakatulong din kung may kasamang grupo sa pag-akyat sa andas para mabigyan ng espasyo ang isa't isa sa gitna ng dagat ng mga tao. 

Madulas kasi ang bakal dahil sa pawis, at kasabay pa nito ang mga iba pang debotong nais makaakyat sa andas. 

Payo naman ng simbahan, huwag nang magdala ng mga replica ang ibang deboto lalo na 'yung mga sasabay sa Traslacion. 

Kung hindi naman daw ito maiiwasan, mainam na dalhin ang mga ito sa prayer station. 

Nasa 14 ang prayer station sa bagong ruta ng Traslacion. Mayroon ding 6 na sub-prayer station. 

Magpapakalat naman ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng 1,500 pulis sa paligid ng andas. 

-- Ulat nina Jeff Canoy at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.