Paghahanda sa Traslacion 2019, puspusan na

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 05:47 PM | Updated as of Jan 03 2019 07:44 PM

Dumalo sa vigil mass ang mga deboto bago ang Traslacion ng Itim na Nazareno noong Enero 9, 2018. ABS-CBN News File

Puspusan na ang paghahanda para sa Traslacion ng Itim na Nazareno sa Maynila, na nakatakda sa Miyerkoles, Enero 9, at inaasahang lalahukan ng milyon-milyong tao.

Kabilang sa mga katuwang sa pangangasiwa sa taunang prusisyon ang pamahalaang lokal ng Maynila, pulisya, iba-ibang ahensiya ng gobyerno, at pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinimulan na ng mga tauhan ng Manila City Hall ngayong Huwebes ang paglilinis sa mga kalat sa Jones Bridge na maaaring matapakan at makasugat sa mga deboto ng Itim na Nazareno. Bahagi kasi ito ng ruta ng prusisyon.

Sinimentuhan na rin ang sahig sa tapat ng Quiapo church para maiwasan din ang disgrasya sa mga nakapaang deboto.

Inaasahang aabot sa dalawa hanggang limang milyong tao ang lalahok sa Traslacion ngayong taon, sabi ng pamunuan ng Quiapo Church.

Bukod sa mga dating namamanata, inaasahan din ang paglahok ng maraming kabataan base sa naging paglahok ng mga ito sa thanksgiving procession ng Itim na Nazareno noong Disyembre 31, ayon kay Monsignor Hernando Coronel, rector at parish priest ng Quiapo Church.

Tiniyak naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar na "full alert" na ang status nila sa araw ng Traslacion.

"Tayo po ay magfu-full alert and all the proper intervention and preparations ay nakahanda na po," sabi ni Eleazar.

Dagdag pa ni Eleazar, wala pang natatanggap ang NCRPO ng ano mang banta para sa Traslacion.

Watch more in iWant or TFC.tv

 SCHEDULE

Mula Disyembre 31 hanggang Enero 8 magdadaos ng novena mass sa Quiapo tuwing alas-6 ng gabi.

Sa Enero 7, nakatakda namang basbasan ang mga replika ng Itim na Nazareno.

Sisimulan ang pahalik sa Quirino Grandstand sa umaga ng Enero 8, na susundan ng midnight mass sa hatinggabi ng Enero 9.

Pagsapit ng alas-4 ng madaling araw sa Enero 9, magkakaroon ng morning prayer bago tumulak ang imahen ng Itim na Nazareno pabalik sa Quiapo Church.

Nanawagan muli ang pamunuan ng Quiapo Church sa mga may altapresyon, buntis, at bata na huwag nang sumali sa Traslacion, at magtungo na lamang sa mga inilagay nilang prayer station kung saan sila mas ligtas.

Nagpaalala rin ang Quiapo Church sa mga deboto na iwasang magdala ng mga matutulis na bagay at iba pang gamit na maaaring makasakit sa iba.

Noong nakaraang taon, tumagal ng 22 oras ang paghahatid sa andas ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church.

--Ulat nina Raphael Bosano at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.