Mga banner ng mga politiko nagkalat sa Quiapo bago ang Traslacion 2019

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 07:01 PM | Updated as of Jan 03 2019 07:51 PM

MAYNILA— (UPDATE) Nagkalat sa paligid ng Quiapo ang iba't-ibang banner ng mga kumakandidatong politiko ngayong 2019, ilang araw bago ang Traslacion ng Itim na Nazareno.

Makikitang nakapaskil sa mga poste ng ilaw at sa tapat ng ilang establisyimento ang mga banner ng ilang politikong kumakandidato sa pagka-senador sa halalan sa darating na Mayo.

Ilan sa mga politikong may banner ay ang mga dating senador na sina Bong Revilla at Jinggoy Estrada. Matatandaang parehong nasangkot sa Priority Development Assistance Fund scam sina Revilla at Estrada.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Padre Burgos naman ay makikita ang "Happy New Year" na banner ni dating Special Assistant to the President Bong Go, na tumatakbo rin sa pagka-senador.

Bukod sa mga kumakandidato sa pagka-senador, nagkalat din ang mga banner ng mga lokal na kandidato ng Maynila sa Plaza Santa Cruz, Arlegui Street, Carlos Palanca Street, at Nepomuceno Street.

May mga banner din ng mga kumakandidatong politiko sa paligid ng San Sebastian Church, at sa kahabaan ng Bilibid Viejo Street.

Watch more in iWant or TFC.tv

Umaasa naman ang simbahan ng Quiapo na hindi sasamantalahin ng mga kandidato ang darating na Traslacion para mangampanya dahil isa raw itong banal na pagtitipon.

"Sana 'wag gamitin ng mga politiko itong event (Traslacion) na ito kasi nga religious event ito kaya dini-discourage 'yung gamitin nila itong Traslacion para magpakita sa mga tao, mangampanya," ani Fr. Douglas Badong ng simbahan ng Quiapo.

"Bagama’t di naman pinagbabawalan na sila’y (mga politiko) magsimba, sila ay makiisa, pero sana malinaw 'yung motivation kung bakit sila pupunta sa Quiapo, 'yun ay para din sa Nazareno."

Paglilinaw din ng pari, hindi na nila kontrolado ang pagpapaskil ng mga banner ng mga politiko sa labas ng simbahan.

Nitong Huwebes, sinimulan na ng engineering department ng Manila City Hall ang paglilinis sa mga kalat gaya ng mga bato at bubog na maaring matapakan at makasugat sa mga sasama sa prusisyon.

Milyon-milyong deboto ang inaasahang dadagsa sa Quiapo sa Enero 9 para makiisa sa Traslacion ng Itim na Nazareno.

—Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.