Ilang gasolinahang nagtaas-presyo na dahil sa buwis pagpapaliwanagin

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 02:55 PM | Updated as of Jan 03 2019 09:50 PM

(UPDATED) Pagpapaliwanagin ng Department of Energy (DOE) ang ilang gasolinahan sa Gitnang Luzon matapos magtaas ng presyo ang mga ito dahil daw sa ikalawang bugso ng excise tax o dagdag-buwis sa langis, sabi ngayong Huwebes ng opisyal ng ahensiya.

Ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella, sinabi sa kanila ng Petron na anim na retailers ng kompanya sa Bulacan, Pampanga, Tarlac at Zambales ang nagpatupad na ng taas-presyo dahil sa mas mataas na buwis sa langis matapos maubusan ng lumang stock ang mga ito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Padadalhan umano ng show-cause order ngayong Huwebes ang mga gasolinahan at bibigyan ng limang araw para patunayang naubos na ang kanilang stock, ani Fuentebella.

Sakaling malamang nandaya ang mga gasolinahan, maaaring kasuhan ang mga ito, ani Fuentebella.

Nauna nang nagbabala ang DOE sa mga kompanya ng langis o dealer na maaari silang ipasara o kasuhan ng large-scale estafa sakaling magtaas agad ng presyo nang hindi pa ubos ang lumang stock.

Sa isang pahayag, sinabi ng Petron na ipinatupad ang mga bagong presyo base sa mga panuntunang itinakda ng DOE.

Muling nagpaalala si Fuentebella na hindi pa dapat magtaas ng presyo ang mga gasolinahan dahil sa dagdag-buwis hangga't hindi pa nauubos ang kanilang lumang stock.

Sa kalagitnaan o katapusan pa raw ng Enero inaasahang mauubos ang mga stock at papatak ang dagdag-presyong dulot ng mas mataas na buwis sa petrolyo, ani Fuentebella.

Nasa P2 kada litro ang dagdag sa excise tax sa Enero 2019 sa diesel at gasolina alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. Iaakyat nito sa P4.50 ang kabuuang excise tax sa diesel habang P9 naman sa gasolina.

-- Ulat nina Raya Capulong at Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.