ALAMIN: Paano gawing 'computerized' ang nalulumang titulo

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 02:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naluluma na ba ang papel na titulo ng iyong bahay o lupain? 

Maaari itong maging computerized sa ilalim ng programa ng Land Registration Authority (LRA) kung saan puwede itong gawing "eTitle."

Alinsunod ito sa direktiba ng ahensiya na gawing computerized na ang mga titulo na hawak ng isang tao, lalo na kung naluluma na ito. 

Paliwanag ng LRA, ito ay para maiwasan pa ang karagdagang gastos sa pagkuha ng abogado para sa nasirang titulo. 

"Kung kayo ay may mga lumang titulo, lumapit kayo sa LRA at i-convert 'yang lumang titulo lalo na't papel 'yan," ani Atty. Sedfrey Garcia, mula sa LRA-Registry of Deeds ng Quezon City.

Mas madali rin umano makakakuha ng certified true copy kapag dumating ang panahon na kailangan ibenta ang ari-arian. 

Dagdag ni Garcia, dapat itong gawin para maiwasan pa ang "panloloko" na maaaring mangyari sa pagbebenta ng titulo. 

Kung nais nang ipa-computerize ang titulo ay maaaring pumunta sa LRA at dalhin ang owner's duplicate copy ng titulo at request or verified petition na makukuha sa website nila. 

Kung walang internet sa kinaroroonan ay maaaring kumuha ng form sa opisina mismo ng LRA. 

Matapos nito ay pagbabayarin ng P800 para sa unang apat na pahina ng eTitle at P30 kada karagdagang pahina. 

Maaaring makuha ang computerized na bersiyon ng titulo matapos ang 15 working days, ani Garcia. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.