Spanish national tiklo sa pagwawala, pananakit ng sekyu

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2019 07:39 AM

MANILA - Inaresto ang isang Spanish national matapos ireklamo ng panggugulo at pananakit sa isang security guard sa Makati nitong Martes.

Naaktuhan ng guwardiya ang suspek na binabasag ang bintana ng sasakyan ng isang tenant ng Makati Prime Tower Suites gamit ang helmet nito, ayon sa pulisya.

Sinubukan anilang pigilan ng security guard na si Allaniel Mayangak ang suspek, pero sinuntok umano siya nito at binato pa ng hollow block sa likod.

Dito na tumawag ng bantay bayan si Mayangak para tumulong na pigilan ang nagwawalang suspek.

Sinubukan pa umano ng suspek na manlaban, pero naaresto rin. 

Mahaharap siya sa kasong malicious mischief, alarm and scandal, assault at resisting arrest.

Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.