Senior citizen tinangka umanong halayin ng kaibigan ng anak

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2019 04:40 PM

Pinatawad din ng 62 anyos ang suspek matapos na makiusap sa kaniya ang ina nito. Rod Bolivar, ABS-CBN News


CAGAYAN DE ORO CITY - Nagpatulong sa mga pulis ang isang senior citizen matapos umano siya pagtangkaang halayin ng kaibigan ng kaniyang anak sa Barangay Carmen, Martes ng hapon.

Ayon sa 62 anyos na ginang, lasing na umuwi sa kanilang bahay ang 44 anyos na lalaking may dalawang linggo nang nakikituloy sa kanila.

"Nanlaban ako sa kaniya. Mabuti na lamang at agad nakauwi ang aking apo at nakatawag ng pulis," sabi ng ginang.

Tumangging magbigay ng pahayag ang lalaki tungkol sa reklamo sa kaniya.

Sa police station, humingi ng tawad ang nanay ng suspek sa ginang.

"Nagawa lang ng anak ko iyon dahil sa kalasingan. Sana mapatawad niya ang aking anak," sabi ng nanay ng lalaki.

Sasampahan sana ng pulisya ng kasong acts of lasciviousness ang lalaki pero dahil sa pakiusap ng nanay, hindi na itutuloy ng ginang ang pagsasampa ng kaso.

"Hindi ako naawa sa kanya [sa lalaki] pero dahil sa pakiusap ng kaniyang nanay na kaibigan ko rin, hindi na ako magsasampa pa ng kaso," dagdag ng ginang.

Dahil dito, pakakawalan ng pulis ang lalaki sa kondisyon ng ginang sa kaniya na hindi na ito muli pang magpapakita.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.