Puting Nazareno ipuprusisyon muli sa Puerto Princesa City

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2019 03:29 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Kung ang itim na Nazareno ang pinipilahan ng mga deboto taon-taon sa traslacion sa Maynila, ang makasaysayang puting Nazareno naman ang ipinuprusisyon tuwing ika-9 ng Enero dito sa siyudad.

Ang puting Nazareno ang pinipiling iprusisyon sa katedral ng Immaculada Concepcion dahil isa ito sa pinaniniwalaang milagrosong imahen. Natagpuan ito at ang imahen ng Mahal na Birhen na buo sa kabila ng pagsunog sa katedral noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Bago pa man ang prusisyon, may siyam na araw na pagnonobena na nagsimula na noong ika-31 ng Disyembre.

Inaanyayahan ang mga mananampalataya na makibahagi sa nobena. Sa mga hindi makakadalo sa mismong araw ng traslacion sa Maynila, maaring dito na rin makibahagi sa prusisyon ng puting Nazareno.

Isusuot sa imahen ang isa sa mga damit na naisuot ng Itim na Nazareno sa Maynila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.