Libo-libo dagsa sa mga bus terminal, pantalan matapos ang Bagong Taon

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2019 06:35 PM | Updated as of Jan 02 2019 08:13 PM

(UPDATED) Dumagsa na ulit ang mga pasahero sa mga bus terminal at pantalan sa iba-ibang panig ng bansa ngayong Miyerkoles, isang araw matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa higit 1,000 pasahero ang nagtungo ngayong Miyerkoles sa Araneta Center Bus Terminal sa Quezon City, ayon sa pamunuan ng terminal. Pauwi pa lang sa kanilang mga probinsiya ang mga pasahero matapos makansela ang mga biyahe noong nakaraang linggo dahil sa sama ng panahon. 

Tatlong libong pasahero naman mula sa mga probinsiya ang inaasahang dadating sa Araneta Center Bus Terminal at Araneta Center Bus Port mula gabi ng Miyerkoles hanggang madaling araw ng Huwebes, ayon sa pamunuan.

Ayon din sa mga bus company, epekto pa rin ng nagdaang bagyo kaya "fully booked" o punuan pa rin ang mga biyahe ng bus na pauwi sa mga lalawigan ng Masbate, Samar, at Leyte mula ngayong Miyerkoles hanggang sa susunod na Martes, Enero 8.

Tatlong libong pasahero naman mula sa mga probinsiya ang inaasahang dadating sa Araneta Center Bus Terminal at Araneta Center Bus Port mula gabi ng Miyerkoles hanggang madaling araw ng Huwebes, ayon sa pamunuan.

Ayon kay Mon Legazpi, general manager ng Araneta Center Bus Terminal at Bus Port, inaasahang papalo sa 6,000 pasahero na paalis at papuntang Maynila ang sasakay sa Araneta Center.

Sa DLTB Bus Terminal naman sa Pasay, "fully booked" na rin ang mga tiket pauwi sa mga probinsiya hanggang Enero 10. 

Higit 3,000 naman daw ang bilang ng mga pasaherong nakabalik na ng Maynila mula Bicol, Samar, at Leyte simula madaling araw ng Miyerkoles, sabi ng pamunuan ng DLTB. 

Pumalo naman sa higit 89,000 pasahero ang bumiyahe paalis ng mga pantalan sa mga probinsiya nitong Miyerkoles, base sa pagbabantay ng Philippine Coast Guard (PCG). Pinakamarami raw dito ay galing Davao, Iloilo, at Cebu.

Sa Urdaneta City, Pangasinan, mahaba ang pila sa mga bus terminal at dagsa rin ang mga chance passenger pero tiniyak ng mga bus company doon na nagdagdag na sila ng mga biyahe.

Magaan naman ang biyahe ng mga pasahero sa mga bus terminal sa Baguio City matapos doblehin ng mga bus company ang bilang ng mga bus na bumibiyahe.

Ayon naman sa Manila International Airport Authority (MIAA), normal pa ang bilang ng mga pasaherong dumadating at umaalis sa Ninoy Aquino International Airport nitong Miyerkoles.

Marami raw kasi ang tila piniling mag-extend ng kanilang holiday kaya inaasahan ng MIAA na dadagsa ang mga pasahero sa paliparan sa darating na weekend.

--Ulat nina Angel Movido at Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.