18 nawawala pa rin sa paglubog ng barko sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2017 09:37 AM

MANILA - Pinaghahanap pa rin Lunes ang 18 tripulante matapos lumubog ang kanilang sinasakyang barko sa karagatang sakop ng Mabini, Batangas noong kasagsagan ng Bagyong "Nina" noong Disyembre 26.

Pinangangambahang kasamang lumubog ng MV Starlite Atlantic ang mga biktimang kinabibilangan ng 11 on-the-job trainees, ayon kay Captain Julius Caezar Lim, commander ng Philippine Coast Guard-Batangas.
 
Hindi pa aniya matunton ang shipwreck ng lumubog na barko at patuloy ang paggalugad sa ilalim ng dagat, gamit ang sonar equipment ng may-ari ng Starlite.

Una nang narekober ng PCG ang bangkay ng tripulanteng si Lyka Banaynal habang nailigtas naman ang 14 iba pa, kasama ang kapitan ng barko na si Eric Cuevas.

Kuwento ni Cuevas, nasa anchorage area ang Starlite Atlantic pero dahil sa lakas ng hangin at alon doon ay nagdesisyon siyang ilipat ang barko sa sheltering area sa pagitan ng Mabini at Bauan.

Nadatnan ng Starlite na puno na ang sheltering area kaya bumalik na lamang ito sa Mabini.

Pero habang papabalik, nasapol ng malalakas na alon ang barko hanggang sa tumagilid ito at unti-unting lumubog.

Inutusan ni Cuevas ang kanyang mga tauhan na magsuot ng life jacket at abadonahin na ang barko.

Bubuo ng special board of marine inquiry ang PCG para imbestigahan ang insidente at ipatawag ang kapitan, ani Lim.