Higit 70 patay, P242M halaga ng pinsala naitala dahil kay Usman: NDRRMC

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2019 03:49 PM | Updated as of Jan 01 2019 08:58 PM

Sa unang araw ng 2019 ay naglabas ng paunang tantiya ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa naging pinsala ng bagyong Usman sa bansa.

Pagsapit ng alas-6 ng gabi Martes, nasa 78 na ang naitalang patay bunsod ng Usman, ayon sa NDRRMC.

Samantala, aabot naman sa P242 milyon ang halaga ng pinsala ni Usman sa agrikultura, ayon din sa ahensiya. Pinakaapektado rito ang Camarines Sur na nalubog nang husto sa baha.

Sa ulat din ng NDRRMC, nasa 45,348 pamilya ang naapektuhan mula sa 457 na lugar sa Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, at Eastern Visayas.

Naibalik naman na ang suplay ng kuryente sa ilang siyudad at munisipalidad na nakaranas ng power interruption.

Puspusan naman ang paghahanap sa mga hinihinalang naanod ng baha o natabunan ng lupa sa mga lugar na apektado ng Usman.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala. umakyat na sa 30 ang bilang ng patay sa landslide sa Sagñay, Camarines Sur matapos mahukay mula sa guho ang limang miyembro ng isang pamilya.

Mas napadali ang search operations sa Barangay Patintinan nang magsimula na ang pagbubukas ng mga kalsada papunta sa sentro at ang pagdalang ng ulan sa lugar.

Prayoridad ng mga rescuer na alisin ang guho para makalapit sa Sitio Garang na hindi pa naaabot hanggang ngayon, kung saan may 10 pang nawawala.

Agarang ililibing ang mga nakuhang bangkay mula Lunes dahil nasa state of advance decomposition na ang mga ito at maaaring magdulot ng sakit.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pahirapan naman ang pagtawid ng mga rescuert sa Tiwi, Albay na tinamaan ng 10 landslide.

Sa dami ng landslide, hirap makapasok ang retrieval team sa dulong bahagi ng Barangay Maynonog, isa sa itinuturing na "isolated."

May mga nagtaasang guho na kailangang tawirin tungo sa barangay, kung saan tatlo pa ang hinihinalang natabunan. Hirap ding dumaan sa landslide ang mga mamimili ng pagkain.

Nakaburol naman na ang labi ng ilan sa mga biktima. Humihingi ng tulong ang mga pamilya nila para sa pagpapalibing sa mga kaanak.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, 14 na ang patay habang 13 iba pa ang pinaghahanap matapos ang magkasabay na landslide at flash flood sa bayan ng Buhi, Camarines Sur.

Giit ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ay hindi sila nagkulang ng paalala sa mga residente na lumikas bago manalasa si Usman.

Samantala, lubog pa rin sa baha ang 21 barangay ng Buhi.

Sa evacuation centers na nag-Bagong Taon ang nasa 1,000 pamilyang inilikas. Pero may ilang evacuation centers din na inabot ng baha kaya inilipat sa pastoral center ang ilan sa mga nandoon.

Ipinanawagan din ng lokal na pamahalaan na madagdagan ang relief goods sa kanila gaya ng tubig at damit.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, tatlo ang patay sa Oriental Mindoro dahil sa mga baha, kabilang ang isang babae na tinangay ng agos kasama ang kaniyang pamilya sa bayan ng Bansud.

Natagpuang patay si Eden Rubion, habang buhay naman ang kaniyang 1 taong gulang na anak, ina, ama, at kapatid.

Kuwento ng ina ni Eden na si Rosemarie, ibinilin pa nito ang kaniyang anak sa kaniya bago bumitaw sa baha.

Ayon sa MDRRMO ng Bansud, nakalikas na ang pamilya Rubion pero bumalik umano nang medyo gumanda ang panahon. Hindi na daw nakita ng pamilya ang biglang pag-apaw ng katabing ilog ng kanilang bahay kaya sila naanod ng tubig.

Sa gitna ng operasyon, nawalan naman ng malay ang bumberong si Fire Officer 3 Benjamin Mayores nang makainom ng tubig-baha pero nakaligtas naman ito.

Sa Calapan City, nasawi naman ang 12 anyos na nagtangkang sagipin ang bunsong kapatid na nalulunod matapos mahulog sa baha. Ikinasama pa ng loob ng inang si Marites Hernandez na wala daw tumulong sa kaniyang anak.

Nakita rin ang bangkay ng isang fishpond owner na inabutan ng pagbaha nang bisitahin ang kaniyang palaisdaan.

Dahil sa bilang ng mga namatay, kasama na ang Usman sa mga pinakamatinding bagyo na tumama sa Pilipinas noong 2018.

--Ulat nina Joyce Balancio, Jose Carretero, Dennis Datu, Mylce Mella, at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.