Pagkain ng holiday desserts, may masamang epekto sa kalusugan?

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2018 03:54 PM | Updated as of Dec 30 2018 04:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, hindi nawawala sa hapag-kainan ng maraming Pilipino ang mga panghimagas tulad ng makremang fruit salad, maaromang buko pandan at malinamnam na refrigerator cake o icebox cake.

Ayon sa nutritionist-dietitian na si Ellesmere Gaille Bacabac, may mga sustansiya namang nakukuha sa mga naturang panghimagas gaya ng carbohydrates, protina at taba.

Pero ayon kay Bacabac, hinay-hinay lang din sa pagkain dahil kapag sobra ay maaaring magdulot ang mga panghimagas ng mga karamdaman gaya ng diyabetes at mga sakit sa puso.

"Carbohydrates nanggagaling siya sa fruits and mainly sa sugar, simple sugar. And then may fat kasi 'yong cream," ani Bacabac sa programang "Salamat Dok."

"Healthy pa sila doon sa range na kung sakto lang 'yong kakainin. Kasi may calories pa rin naman sila, nakakatulong pa rin sila, nagbibigay pa rin sila ng energy sa katawan natin. Pero everything in excess, hindi na healthy 'yon," paliwanag niya.

Hindi rin kasi nawawala sa mga panghimagas na inihahanda tuwing Pasko at Bagong Taon ang sangkap na table sugar na may sucrose, at mga prutas na nagbibigay ng mga asukal na glucose at fructose.

Lima hanggang anim na kutsarita ng asukal lang ang inirerekomendang dami ng asukal na dapat kinokonsumo sa isang araw, sabi ng World Health Organization.

Ayon kay Bacaba, kung sobra-sobra ang asukal sa katawan, puwede itong mauwi kalaunan sa pagkakaroon ng diyabetes.

"Nagde-develop talaga siya kapag prolonged 'yong hindi maganda 'yong diet," ani Bacaba.

Dagdag pa ni Bacaba, dahil mataas din sa fat ang mga panghimagas bunsod ng sangkap na krema, puwede itong mauwi sa cardiovascular diseases o iyong mga sakit na may kinalaman sa puso at mga ugat.

"Dahil nga high fat itong mga dessert na ito dahil ginagamitan ng cream, puwedeng mag-develop naman into cardiovascular diseases. Kapag madaming fat sa katawan, magbabara sa mga ugat natin," ani Bacaba.

Sundan ang Salamat Dok on-air, at online sa kanilang Facebook at Twitter account.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.