Lechon tinapay patok na pamalit sa lechon baboy sa Laoag

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2018 06:12 PM | Updated as of Dec 29 2018 03:06 PM

Mas pinipili ng ilang mamimili sa Laoag City ang murang alternatibo sa lechon baboy para sa Bagong Taon. Depende sa laki, mabibili ang lechon tinapay mula P15 hanggang P50. Dianny Dy, ABS-CBN News


LAOAG CITY – Sa mga walang budget para sa lechon baboy, patok ang lechon tinapay bilang handa para sa pagsalubong sa Bagong Taon dito sa siyudad.

Aliw na aliw si Narcissa Vergara sa ibinebentang lechon tinapay ng isang bakery sa Laoag City Commercial Complex.

Wala siyang budget para sa lechon baboy kaya ito na lang ang isa sa ihahanda niya sa media noche.

“Maganda at pang-attract 'yung design,” sabi ni Vergara.

Araw-araw, 50 lechon tinapay ang ginagawa sa bakery.

Sa Bagong Taon, nasa 200 na ang nakapagpa-reserve nito.

“I thought of making new na papatok sa tao kaya gumawa kami ng lechon bread,” sabi ni Rose Minda Alegre, may-ari ng bakery.

May iba’t ibang disenyo ang lechon tinapay. Mayroong mansanas ang subo sa bibig ng lechon at mayroon ding tila nakatuhog sa kahoy ito.

Limang minuto ang inaabot sa pagdesenyo ng tinapay para maging hugis lechon. Nasa 10 minuto naman ang hihintayin para maluto ito sa oven.

“Sa totoo lang, when we displayed it in our market store, people are really asking for the lechon bread until now,” paliwanag ni Alegre.

Ang lechon tinapay ay mabibili sa halagang P15 hanggang P50, depende sa laki at klase nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.