Magulang dapat bang kuhanin ang aginaldo ng anak?

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2019 04:45 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Karaniwan na tuwing Pasko ang pagbibigay sa mga bata ng aginaldo, na kalimita'y kinukuha ng mga magulang lalo na kung paslit o wala pa sa tamang edad ang nakatanggap nito. 

Pero ayon sa financial literacy advocate na si Armand Bengco, mainam na gabayan ng magulang ang anak sa paggastos ng natatanggap na aginaldo. 

"Hanggang sila hindi umaabot ng 18 (taong gulang), wala pa silang karapatan, power or freedom to use gamitin ang perang nakuha nila sa sarili nilang disposisyon," ani Bengco sa programang "Sakto" ngayong Miyerkoles, araw ng Pasko. 

Para kay Bengco, dapat itabi ang naiipong angpao o ampaw ng bata at ilagay sa bangko. 

"Strong suggestion: bukas (Disyembre 26) may pasok, may mga bangko. Lalo na kung first time, dalhin niyo doon, ipasyal niyo 'yung anak niyo," ani Bengco. 

Pero kung tatanungin si Bengco, hindi umano niya mairerekomenda ang pamimigay ng aginaldo kung bata pa ang tatanggap nito. 

"Hindi naman alam ng bata na may halaga ang pera. In fact 'pag nakuha niya 'ano 'tong papel na to?'"

Kung maaari, ayon kay Bengco, dapat laruan na lang ang ibigay sa kanila. 

"'Yung marami siyang binubuksan, 'yun ang nagpapasaya sa kaniya sa Pasko," ani Bengco. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.