Ilang Pinoy, todo-kayod sa trabaho kahit Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2018 08:40 PM | Updated as of Jul 15 2019 12:22 PM

Kahit Pasko ay subsob sa trabaho ang gasoline boy na si Anthony Sanchez at street sweeper na si Herminia Santos. Kevin Manalo, ABS-CBN News

Habang ang iba ay nagdidiwang ng Pasko ngayong Martes kasama ang kanilang mga pamilya, abala sa pamumulot ng basura at paglilinis ng kalsada ang street sweper na si Herminia Santos. 

"Kasi po kailangan," ani Santos.

"Masaya po kami basta nakakapagserbisyo kami sa bayan," dagdag niya.

Gusto man niyang makasama ang mga anak, alam daw niyang naiintindihan ng mga ito ang kaniyang trabaho.

Gaya ni Santos, nagtrabaho din ngayong Pasko si Mimi Romanillos, na tauhan sa isang convenience store sa Quezon City. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Masaya na lang niyang inalala ang kaniyang pamilya sa Cebu.

"Naka-duty ka, di mo makasama 'yong family," ani Romanillos.

"Enjoy na lang sa work," dagdag pa ni Romanillos.

Malaking tulong naman sa pamilya ni Anthony Sanchez, isang gasoline boy, ang perang kikitain niya ngayong Pasko.

"Double pay din naman," ani Sanchez.

Naunawaan naman daw ng dating overseas Filipino worker na si Rosemarie Sebido ang aniya'y matinding sakripisyo ng mga manggagawang nagtatrabaho ngayong Pasko.

Sampung taong nawalay sa pamilya si Sebido pero noong nakabalik na sa bansa, ang kaniyang mga anak naman na ang nagtrabaho.

"Bihira kaming magkita dahil nga nagtrabaho sila. Ganoon pa man, nandoon pa rin 'yong pagmamahal," ani Sebido.

Ayon sa mga nakapanayam na manggagawa, hindi daw dapat isipin na ang Pasko ay mahahanap sa lugar dahil hangga't may pamilyang naghihintay sa kanilang pag-uwi, buhay pa rin daw ang diwa ng Pasko.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.