Mga 'suwerteng' panregalo, ayon kay feng shui expert Master Hanz

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2018 02:54 PM | Updated as of Jul 14 2019 12:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kung hindi pa rin nakapipili ng mga ipangreregalo para sa mga kaanak at kaibigan ngayong holiday season, may ilang inirekomenda ang isang kilalang eksperto sa feng shui na mga bagay na pinaniniwalaang makapagdudulot ng suwerte sa mga taong makatatanggap ng mga ito.

Ayon kay Master Hanz Cua, isa sa mga maaaring iregalo ay ang ang pao, isang pulang sobreng naglalaman ng pera na karaniwang ibinigay ng mga matatanda sa mga bata.

"Ang ang pao is nanggaling sa tradisyon ng mga Chinese. Binibigay po 'yan ng mga elders, ng mga lolo, lola, daddy o mommy sa kanilang mga children o inaanak," sabi ni Cua sa programang “Sakto” ng DZMM.

"Ito ay nagsi-signify kasi na 'yong suwerte daw ng mga lolo, lola ay naipapasa sa younger generation," paliwanag ni Cua.

Maaari naman daw regaluhan ang mga negosyante ng abacus, isang kasangkapan ginagamit sa pagbibilang na nagpapahiwatig daw ng suwerte ng negosyo.

"Ang pagbibigay ng abacus ay nagsi-signify ng business luck. 'Yong makakatanggap nito, 'yon daw negosyo niya ay lalago, gaganda, o mas dadami pa 'yong branches," ani Cua.

Dahil sa ilalim ng Chinese zodiac ay Year of the Earth Pig ang ipagdiriwang sa 2019, inirekomenda din ni Cua ang pagreregalo ng pigura ng baboy, na nagdudulot aniya ng kasaganahan.

“Para maging mas prosperous 'yong makakatanggap nito, bigyan niyo po sila ng mga figurine ng mga pig.”

Puwede rin daw iyong mga pigura ng nakatindig na pusa na kinakaway ang isa nitong paa, na aniya’y sumisimbolo sa pagtatawag ng suwerte. 

Kung mga palawit o bato ang nais iregalo, inirekomenda ni Cua ang holy gourd o wu lou, citrine, at rose quartz.

Ang holy gourd, ani Cua, ay nakapagbibigay daw ng suwerte sa kalusugan.

Ang citrine naman na isang dilaw na bato ay maaaring isuot, ilagay sa bulsa o itago sa cashier box para suwertehin sa pera.

“Ang citrine kasi is nag-e-enhance naman po ng money o wealth luck energy,” ani Cua.

Samantalang ang rose quartz ay para sa mga taong may problema sa pag-ibig o pakikipagrelasyon.

“Masuwerteng ibigay sa mga single o sa mga may relationship issues o mga problem," ani Cua.

Puwede ring magregalo ng mga pulang damit dahil magiging masuwerteng kulay daw ang pula para sa susunod na taon. Tinawag ito ni Cua bilang “wealth element.” 

Kasaganahan at mabuting kalusugan para sa pamilya naman daw ang dulot ng regalong prutas.

Nakapagpapabuti naman ng karunungan ang mga regalong libro, sabi ni Cua.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.