Panadero suma-sideline bilang Santa Claus tuwing Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2018 07:40 PM | Updated as of Jul 14 2019 11:54 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Madalas nakikita tuwing umaga ang 50 anyos na si Abner Rosales sa panaderya ng kanilang pamilya sa bayan ng Rosario, Batangas.

Si Rosales mismo ang gumagawa ng pandesal sa kanilang panaderya habang katuwang niya sa pagtitinda ang dalawa niyang anak.

Pero tuwing sumasapit ang Pasko, ang panadero ay nagiging Santa Claus na naghahatid ng regalo sa maraming bata.

"Nag-start ako niyan hinire ako ng sister-in-law ko para mag-Santa Claus sa isang mall sa Manila and after that, nagustuhan ko naman siya, nagpatahi ako ng sarili kong costume," sabi ni Rosales.

Mula sa sapatos, pananamit, balbas, buhok at make-up, tinitiyak ni Rosales na perpekto at kuhang-kuha niya ang anyo ni Santa Claus.

"Dito (sa Rosario) marami ang tawag sa'kin Santa talaga, kahit hindi Christmas," ani Rosales.

May 12 taon nang nagpupunta sa mga shopping mall at Christmas party si Rosales para mag-alay ng kasiyahan sa mga bata.

"Talagang ang mga bata makikita mo sa mukha nila 'yong kasiyahan na nakita nila sa Santa Claus tapos nagwi-wish sila ng mga gusto nilang gift for Chrismtas," ani Rosales.

Ayon pa sa kaniya, hangga't kaya ay ipagpapatuloy niya ang pagiging Santa Claus upang mapanatili ang pagbibigay ng pag-asa at saya sa mga bata tuwing Pasko.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.