ALAMIN: Paano kokontrahin ang mga 'malas' na regalo

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2018 08:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinag-iisipang maigi ni Ammar Torrevillas ang mga regalong kaniyang ibinibigay tuwing Pasko dahil sa paniniwalang may mga regalong nagdudulot ng malas sa nagbibigay o sa pinagbibigyan.

Isa sa mga inihalimbawa ni Torrevillas ay ang pagregalo ng wallet, na malas daw kapag iniregalo ng isang taong magastos.

"'Yong paniniwala ko rin kapag magastos kang tao, madaling maubos kapag ikaw ay nagbigay ng wallet," ani Torrevillas.

"Na-try ko dati magbigay ng regalo [ng wallet] sa katrabaho ko... Nakikita ko ginagamit pa rin eh, sabi niya, 'Suwerte 'tong wallet na binigay mo,'" kuwento ni Torrevillas.

Iniiwasan naman daw ni Torrevillas na magbigay ng panyo na nagdudulot daw ng pagdadalamhati.

"Iniiwasan kong magbigay ng panyo kasi parang may sorrow na nangyayari," aniya.

Ayon sa feng shui expert na si Hanz Cua, mayroon talagang mga regalo na dapat iwasan.

Isa daw rito ang mga kutsilyo, gunting, at iba pang matutulis na bagay na sumisimbolo umano sa pagputol ng relasyon ng nagbibigay at pinagbibigyan.

Pagputol ng relasyon din daw ang sinisimbolo ng regalong relo.

Kaya kapag relo ang ibibigay, dapat umano itong lagyan ng pulang tali at ipagupit sa taong pagbibigyan bago gamitin.

Iwasan din daw ang pagbigay ng sapatos dahil inaapakan daw ng nagbibigay ang pagbibigyan, at payong na nangangahulugang paghihiwalay sa Chinese.

Bilang pangontra, dapat bigyan ng barya ang taong nagbigay ng sapatos o payong.

Kailangan naman daw lagyan ng lamang pera na may kombinasyong 1-6-8 o P168 kung magbibigay ng wallet ang isang tao.

Iyakan naman daw ang sinisimbolo ng panyo na dapat daw lagyan ng pabango kapag inireregalo bilang pangontra.

Nagpaalala naman si Cua na nakasalalay pa rin sa mismong tao ang kaniyang tagumpay at pawang mga gabay lamang ang kaniyang mga nabanggit.

"Ang feng shui is gabay lamang. Nasa inyong mga kamay pa rin nakasalalay ang inyong tagumpay," aniya.

--Ulat ni Winnie Cordero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.