ALAMIN: Ilang paalala sa ligtas na pagta-tattoo

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2018 03:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May 18 tattoo sa iba-ibang bahagi ng katawan ang 20 anyos na si Nica Payabyab, na nagsisilbi aniyang paalala sa mga pinagdaanan niyang problema.

Pero hindi inakala ni Payabyab na tattoo rin ang maglalagay sa kaniya sa peligro matapos maimpeksiyon ang isang tattoo na ipinalagay niya sa kaliwang hita noong Seytembre.

"Sa dami ko na po ng tattoo, alam ko na po 'yong pain, so alam ko na po kung gaano kataas 'yong pain na ito-tolerate ko," kuwento ni Payabyab sa "Salamat Dok."

"May dumating na part during na tina-tattoo-an ako na, 'Ay, parang masakit na,' hanggang sa nagdugo 'yong tattoo ko noon tapos nilagnat ako."

Nahirapan maglakad si Payabyab nang lumala ang impeksiyon at kinailangan niyang uminom ng antibiotics para hindi ito lumala.

Matapos magpakonsulta sa doktor at magpagamot, gumaling ang sugat ni Payabyab sa loob ng isang buwan at 15 araw. 

Pero ayon kay Payabyab, hindi dahilan ang kaniyang karanasan para tumigil siya sa pagpapaa-tattoo. Ang tumatak daw sa kaniya ay ang mga aral na napulot mula sa pangyayari.

"Pinakaimportante, kailangan malinis. 'Yong kalidad noong gawa niya is maganda," ani Payabyab.

"Piliin niyo 'yong artist. Marami po kasing mga naglipanang artist na sasabihin sa inyo na 'pro' sila tapos o-offer-an kayo ng mababang price, siyempre kailangan niyo nang magduda," dagdag niya.

Ayon sa dermatologist na si Dr. Emmerson Gale Vista, bukod sa impeksiyon sa sugat, marami pang peligrong maaaring maidulot sa kalusugan ng tao ang pagpapa-tattoo gamit ang mga hindi de-kalidad na ink at iba pang equipment. 

"Lahat ng procedure na ginagawa sa ating balat ay may health risk," sabi ni Vista.

Bukod sa pagsusugat, puwede ring magdulot ng kanser sa balat ang hindi ligtas na pagpapa-tattoo.

"Puwedeng dahil nga hindi puro 'yong ginamit, mataas ang carcinogenic ingredient, puwede itong mag-cause ng skin cancer," paliwanag ni Vista.

"Puwedeng magsanhi ng allergy or infection. Puwedeng mangati, mamula o magkaroon ng ibang hitsura ang balat," anang doktor.

Kapag hindi rin malinis ang mga kagamitan, puwede itong magsanhi ng pagkalat ng mga nakahahawang sakit gaya ng hepatitis at human immunodeficiency virus (HIV), ani Vista.

Para sa mga nais magpa-tattoo, ipinapayo ni Vista na dapat ang doktor o tattoo artist ay magbibigay ng antibiotic ointment para makaiwas sa impeksiyon.

Mahalaga rin ang wastong paglinis at pag-alaga sa bagong-gawang tattoo.

"Siguraduhing limitahan ang mga physical activity tulad ng pagligo sa swimming pool, trauma sa area kung saan ang tattoo, at (pagbabad sa) mainit nang matagal," ipinayo rin ni Vista.

Mayroon ding mga pamantayang sinusunod ang mga tattoo artist, gaya ni Aja Andres, para sa ligtas na pagta-tattoo.

"Standard po ng proper na pagta-tattoo is proper hygiene, disposable na mga gamit like needles, gloves, [at] dapat sanitized 'yong lugar," ani Andres. 

Dagdag pa ni Andres, para sa mga tattoo artist ay tiyaking ang mga bibilhing kagamitan ay aprubado ng Food and Drug Administration.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.