ALAMIN: Paano mapanatili ang 'fit' na katawan ngayong Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2018 09:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kaliwa't kanan na ang handaan at kainan ngayong papalapit na ang Pasko.

Pero kasabay din nito ang pangambang madagdagan ang timbang dahil sa hindi kontroladong pagkain.

Nagpaalala ang fitness expert na si Ryan Marquez na dapat mag-ehersisyo at kumain nang maayos ngayong holiday season para panatilihing "fit" ang katawan.

Ayon kay Marquez, importanteng makapag-workout tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo na dapat tumagal nang 45 minuto hanggang isang oras kada sesyon.

"Ang goal mo is mapawisan ka at ma-work mo 'yung cardio mo at ma-work mo 'yung balance resistance training for the muscles," aniya sa "Sakto" ng DZMM.

Mahalaga rin aniya ang makatulog nang pito hanggang siyam na oras kada araw.

"It has to be a balance of exercising and sleeping habits. [Hindi puwede 'yung] lagi kang puyat or you lack sleep... your hormones will be affected," ani Marquez.

Aniya, importante din ang pagbabalanse ng pagkain.

"There's sweets, really fatty foods. You have to avoid eating too much of each, so moderate amounts, small portions of each," ani Marquez.

Pero paglilinaw niya, dapat iwasan ang pagpapalipas ng pagkain para pumayat dahil may mas masamang epekto pa ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.