Pasiklaban ng giant lanterns sa Pampanga, kasado na

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2019 09:54 PM

May 12 parol ang kasali ngayon sa pinakaaabangang Giant Lantern Festival 2019 sa City of San Fernando, Pampanga.

SAN FERNANDO CITY, Pampanga - Nakalatag na ang mga upuan at ayos na rin ang stage para sa pinakaaabangang Giant Lantern Festival 2019 na gaganapin sa Sabado.

May 12 higanteng parol ang magpapagandahan ng kulay at magpapagalingan sa pagsayaw ng mga ilaw.

Ang nag-iisang babaeng lantern maker na si Mary Anne Torres ay muling lalaban sa kompetisyon.

Hawak niya ngayon ang entry ng Barangay San Agustin na muling nagbabalik sa kompetition matapos ang 60-taon.

“Combination ng traditional at modern yung design ko,” sabi ni Torres.

Kumpara sa iba na nasa 40-50 watts lang ang gamit na bumbilya, siguradong magniningning ang parol niya dahil 60 watts na bumbilya ang ginamit niya na papaandarin ng 10 rotors.

Wala namang kaso ang taas ng wattage sa kompetisyon, ayon sa tourism office.

“Color combination, interplay of lights na makasabay sa music at x factor kung ano ang maipapakitang kakaiba,” sabi ni Ching Pangilinan, tourism officer ng lungsod.

Paliwanag ni Pangilinan na hindi nila eksaktong alam kung kailangan nagsimula ang paggawa ng higanteng parol.

“Pero ang naitala na kauna-unahang gumawa ng higanteng parol ay si Francisco Estanislao ng Barangay Sta. Lucia noong 1908."

“Ang yaman ng Kapampangan, yung mayayamang pamilya sa Pampanga sila yung nag-finance ng giant lanterns at lumaki ng lumaki ang parol na yan,” paliwanag ni Robby Tantingco ng Center for Kapampangan Studies.

Tinatayang dadagsain ng 15,000 hanggang 20,000 katao ang venue sa Sabado. Magtatalaga naman ng 200 personnel ang pulisya sa loob at labas ng venue.

Paalala ng awtoridad sa publiko na bawal ang bull cap, backpack, baril o anumang matutulis na bagay at ang paggamit ng drone.

Nakipag-ugnayan na rin ang awtoridad sa traffic management division at pamunuan ng North Luzon Expressway sa magiging daloy ng trapiko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.