ALAMIN: Bakit peligroso ang pagtulog nang may suot na contact lens

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2019 03:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Delikado ang matulog habang may suot na contact lens dahil maaari itong magdulot ng pinsala sa mata, ayon sa isang doktor.

Ayon sa ophthalmologist na si Reginald Tan, madalas nagdudulot ng trauma sa mata, partikular sa cornea, ang contact lens kapag hindi naging maingat sa pagsusuot nito.

Ilan sa mga sitwasyong maaaring makapaminsala sa cornea ay ang paglalagay ng contact lens nang hindi naglilinis ng kamay at ang pagtulog nang may suot pang contact lens.

"[Ang] trauma sa mga contact lens-wearer po [ay] very common," ani Tan sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

"Iyong pinakaharapan kasi, 'yong cornea, protective layer siya. Ngayon 'yong contact lens na nilalagay sa harap ng mata, maaaring mag-cause 'yon ng sugat," paliwanag niya. 

Maaari namang maimpeksiyon ang mata kapag nagkasugat ang cornea.

"Sa mga natutulog habang suot ang contact lens, 'yan ang pinaka-number one risk factor. Delikadong-delikado 'yon," dagdag ni Tan.

Kapag nasugatan ang cornea ay maaari itong gumaling pero nagkakaroon ng peklat na maaaring magdulot ng mga problema sa paningin. 

Mayroon ding mga permanenteng pagkapinsala ng cornea pero maaari namang operahan at palitan ang naturang bahagi ng mata.

"Ang maganda sa pagkasira sa harapan ng mata o cornea is puwedeng palitan kaya may corneal transplant," ani Tan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.