Krav Maga bilang self-defense laban sa mga masasamang-loob

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 01:51 PM

Nagkalat ang masasamang-loob na handang gumamit ng dahas para manamantala ng iba.

Sakaling maharap sa mga situwasyong gaya ng holdap, panggagahasa o pagdukot, paano maipagtatanggol ng isang tao ang kaniyang sarili?

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinalakay sa programang "Sakto" ng DZMM ang Krav Maga, na umano ay pinakamainam na fighting system na maaaring magamit ng tao laban sa masasamang-loob.

"Ito 'yong talagang ginawa siya para sa mga realistic situation at saka sa lahat ng klase ng threats at attacks," ani Dindo de Jesus, regional director ng International Krav Maga Federation sa Asya.

Madali umanong matutunan ang Krav Maga dahil hindi gaya ng ibang martial arts, wala itong gaanong porma o hindi masyadong pinapahalagahan ang technique.

"'Yong nilalagay namin sa student, mindset nila na gamitin na nila lahat, gawin na nila lahat, of course may mga situation na may mga technique, para mag-survive," ani De Jesus.

Pangunahing itinuturo umano sa Krav Maga ay ang pag-atake sa mga "vulnerable" o mahinang bahagi ng katawan gaya ng groin o singit, mata, lalamunan, tuhod, likod ng batok, at gulugod.

Kapag nangyakap, halimbawa, ang isang assailant o masamang-loob, puwede itong sundutin sa mata, na magiging dahilan para bumitiw ito sa yakap, ani De Jesus.

Kapag bumitiw na umano ang assailant ay puwede na itong i-groin kick o bayagan.

Sakali namang panggagahasa ang situwasyon, ipinayo ni De Jesus ang pagsuntok sa lalamunan ng assailant.

Dahil pokus ng Krav Maga ang pag-target sa mga mahinang bahagi ng katawan, hindi gaanong kailangan ng pagsasanay rito.

Iginiit din ni De Jesus na hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat makipag-away sa isang masamang-loob.

"Kung may chance kang tumakbo or napag-usapan niyong ayaw mong makipag-away o kung hinoholdap ka lang, bigay mo na lang," ani De Jesus.

Gamitin lang ang Krav Maga sa mga situwasyong kailangan talagang lumaban gaya ng home invasion, kidnapping o pagdukot, at panggagahasa, sabi ni De Jesus.

Bukod sa pisikal na pakikipag-away, puwede rin umanong protektahan ang sarili gamit ang objects.

Halimbawa, ayon kay De Jesus, ay may taong naga-amok at may dalang patalim, puwedeng gumamit ng bag bilang panangga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.