Bakit delikadong malunok, masinghot ang button battery?

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2018 11:45 AM

Patok na naman ngayong Pasko ang mga laruan bilang panregalo sa mga bata at ilan sa mga laruang ito ay pinaaandar ng mga maliliit na baterya.

Dahil dito, nagbabala ang isang chemist laban sa mga laruang may button battery na maaaring magdulot ng pinsala sa kalusugan kapag nalunok o nasinghot ng mga bata.

Ang button battery ay isang uri ng baterya na may hugis na mistulang barya.

Ayon sa chemist na si Emmanuel "Mel" Garcia, delikadong malunok o masinghot ang button battery dahil nagkakaroon ito ng chemical reaction kapag nadikit sa basang laman na nagdudulot ng burn o pagkasunog.

"'Yong baterya kasi hangga't 'di pa siya gastado mayroon pa siyang natitirang potensiyal. So kapag 'yan ay nalagak, halimbawa, bumara, let's say nag-stay sa lalamunan, esophagus, parang nagsho-short 'yong baterya," paliwanag ni Garcia sa programang "Salamat Dok."

"Nagkakaroon ng sunog doon sa daanan, sa lalamunan, nagkakaroon ng parang bleeding. 'Yong bleeding na 'yon, 'yon na 'yong nagiging dahilan para magkaroon ng iba pang problema," ani Garcia.

Ikinuwento ni Garcia ang isang eksperimento nila ng isa niyang estudyante, kung saan nagpatong sila ng button battery sa isang piraso ng basang karne.

"After three and a half hours, nakita namin na mayroong burn doon sa kapiraso ng karne," ani Garcia.

Ganoon din daw ang nangyayari kapag bumabara ang button battery sa katawan ng tao at nadidikit sa laman nito.

Sa loob kasi ng button battery, paliwanag ni Garcia, nasa iisang bahagi lang ang dalawang electrode na conductor o nagdadala ng kuryente.

Hindi raw ito gaya ng mga triple-A battery na nasa magkabilang dulo ng baterya ang mga electrode kaya hindi gaanong nagdudulot ng pagkasunog.

"Ito kasi 'yong dalawang electrode mo nasa isang side, nandodoon sila pareho so kapag nakalapat 'yan doon, doon mismo nangyayari 'yong daloy ng kuryente," ani Garcia.

Ipinapayo ni Garcia sa mga magulang na tiyaking hindi magagalaw ng kanilang mga anak ang mga baterya sa mga laruan.

"Sa mga magulang importante lang na i-secure 'yong mga baterya doon sa mga laruan. Usually 'yong mga laruan na 'yan may screw so ayusin 'yong pagkaka-screw," aniya.

"Tape-an na lang nila para siguro, just in case na matanggal 'yong takip, baka isubo ng bata," dagdag ng siyentista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.