Kandidata ng South Africa kinoronahang Miss Universe 2019

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2019 11:35 AM | Updated as of Dec 30 2019 04:36 PM

(UPDATE) Bigong makakuha ng back-to-back win ang Pilipinas matapos maagang matanggal sa timpalak ang pambato ng bansa na si Gazini Ganados sa coronation night na idinaos ngayong Lunes (Manila time) sa Amerika.

Nakapasok si Ganados, 23, sa Top 20 pero nabigo siyang mapabilang sa Top 10. Iyon ang unang pagkakataon sa loob ng halos isang dekada na hindi nasama ang pambato ng Pilipinas sa Top 10.

Sa kabila nito, inuwi naman ni Ganados ang national costume award.

Idinaos ang coronation night sa Tyler Perry Studios sa Atlanta, Georgia, kung saan itinanghal na Miss Universe 2019 ang kinatawan ng South Africa na si Zozibini Tunzi.

Hudyat din ang coronation ng pagtatapos ng reign ni Catriona Gray ng Pilipinas bilang Miss Universe.

Ipinasa ni Gray ang titulo kay Tunzi, isang 26 anyos na social media activist na nagtapos ng kursong public relations.

Sa 90 kandidata ngayong taon, si Tunzi ang napiling magsuot ng pinakabagong Miss Universe crown — ang tinaguriang "Power of Unity" crown na nagkakahalaga ng P250 milyon.

First runner-up si Miss Puerto Rico Madison Anderson Berrios at second runner-up naman si Miss Mexico Sofia Aragon.

MGA PINOY TODO-SUPORTA KAY GANADOS

Todo-suporta naman ang maraming Pilipino sa laban ni Ganados sa Miss Universe sa mga viewing party na idinaos sa iba-ibang panig ng bansa.

Sa Ortigas Center, isa sa pangunahing business district sa Metro Manila, maagang gumising ang mga tao para sa viewing party habang ang iba ay dumeretso galing sa trabaho.

May bitbit pang props at suot na mga wig at korona ang iba sa mga nanonood.

Sa Talisay, Cebu — na hometown ni Ganados — napuno ang People's Hall ng mga tagasuporta, kabilang ang tita ng pambato ng Pilipinas.

Inaasahan namang magdaraos ng grand homecoming sa Cebu para kay Ganados.

Bigo mang maiuwi ang korona, marami pa rin ang pumuri kay Ganados dahil sa kaniyang laban sa Miss Universe, kabilang ang Malacañang at mga lokal na celebrity.

-- May ulat nina Dyan Castillejo at Ganiel Krishnana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.