TIPS: Paano makatitipid sa pagbili ng Christmas gifts

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2019 06:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ngayong papalapit na ang Pasko, kaniya-kaniya na ring diskarte ang mga Pinoy sa pamimili ng regalo para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Dahil kaliwa't kanan ang mga sale at holiday promos sa malls, doon nagsisipunta ang maraming mamimili.

Sa isang mall sa Divisoria, bagsak-presyo ang mga damit, bag, wallet, at cellphone accessories.

May bags din na tig-P150 hanggang P350 depende sa size at klase ng materyales sa paggawa nito.

Hindi naman mawawala ang mga laruan para sa mga inaanak. Balik-uso na naman ang mga dollhouse at miniature play house.
    
Bagong paborito rin ng mga bata ang little luggage na may lamang cooking set at pati tool box.

Pero si Joy Ganido, hindi muna bumibili ng panregalo sa mga anak at inaanak dahil inaantay pa ang 13th month pay ng asawa.

"Hindi dapat maubos kasi may bibilhin pang pagkain para sa Noche Buena at siyempre savings... May mga utang pa eh."
    
Mabuti na rin daw na tumitingin-tingin muna bago bumili para maplano nang mabuti at hindi lumagpas sa budget.

Si Cheche Tioson naman, habang maaga ay namakyaw na ng mga panregalo sa pamilya at mga kaibigan.

Para sa kaniyang 15 inaanak, nasa P150 ang budget niya bawat isa.

"Unti-unti lang ang pagbili para hindi masyadong mabigat. Kapag may pera bibili nang kaunti," tip niya.

Payo pa ng maraming shoppers, mas makatitipid kapag wholesale o bultuhan ang bibilhing panregalo.
    
Huwag din daw mag-atubiling tumawad lalo pa't kapag malapit nang matapos ang taon ay gusto na rin ng mga retailer na maubos ang kanilang paninda.


—Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.