Holiday blues: Bakit may mga taong nalulungkot tuwing kapaskuhan?

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2019 05:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi maiwasan ng ibang tao na makaramdam ng kalungkutan tuwing kapaskuhan, na kadalasang inilalarawan bilang isang festive o masayang panahon.

Tinatawag ang pangyayaring ito bilang "holiday blues" na ayon sa psychiatrist na si Ronald Elepaño ay isang temporary o pansamantalang uri ng depresyon.

"Hindi siya kino-consider pa rin as a valid diagnosis. Pumapasok siya sa isang kategorya ng depression o variation ng depression kung kailan umaatake lang siya for a certain period of season," paliwanag ni Elepaño sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Kadalasan daw nag-uumpisa ang nasabing kalungkutan tuwing Disyembre at tumatagal hanggang Enero o Pebrero.

Isa raw sa mga posibleng sanhi ng holiday blues ay ang kakulangan sa sunlight exposure ng tao. Mayroon umanong epekto ang sunlight sa mood ng tao.

"Mas matagal iyong gabi kaysa sa araw [tuwing holidays] so we don't get enough sun exposure," ani Elepaño.

Karamihan sa mga taong nakararanas ng holiday depression ay mga taong hiwalay sa pamilya, nagtatrabaho sa gitna ng holiday season, at nagre-recover o nagpapagaling mula sa ilang kondisyon gaya ng adiksiyon.

Ayon kay Elepaño, sakaling makaapekto na sa pang-araw-araw na gawain ang kalungkutang nararamdaman, mainam nang kumonsulta sa doktor.

Ipinayo rin ni Elepaño ang pakikipag-ugnayan sa ibang tao para maiwasang maramdaman ang kalungkutan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.