Gazini Ganados nagpasiklab sa Miss Universe prelims

Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2019 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Painit nang painit ang laban para sa korona ng Miss Universe matapos ganapin nitong Sabado (Manila time) ang preliminary competition ng pageant sa Atlanta, Georgia, 2 araw bago ang inaabangang coronation.

Nagpakitang gilas ang mga kandidata sa 3 bahagi ng prelims: ang swimsuit, evening gown, at national costume portions.

Ang performance sa prelims, kasama ang nauna nang interview, ang magdidikta kung sino ang papasok sa semifinals, na iaanunsiyo sa coronation.

Hindi naman binigo ni Miss Universe Philippines Gazini Ganados ang fans na nasa venue pati na rin ang mga nakasubaybay sa livestream nang bigyan niya ito ng nag-aatikabong performance.

Intro pa lang, hiyawan na ang mga Pinoy nang lumabas si Ganados suot ang lavander dress.

Pagdating sa swimsuit round, standout si Ganados, na pinakita sa unang pagkakataon ang kaniyang tinaguriang "Phoenix Walk."

Inirampa naman ni Ganados ang isang gold structured gown at isang agila-inspired national costume, na parehong gawa ng Cebu-base couturier Cary Santiago.

Masaya ang Pinoy fans na dumalo, pati ang ina ni Ganados na saktong dumating sa Amerika para sa prelim rounds.

"Super nerbiyos ako... Ang daming maganda... [pero] laban tayo Philippines," ani Carmencita Ganados.

Sa Linggo, all day na ang rehearsals ng mga kandidata sa Tyler Perry Studio.

Sa Lunes, simula alas-8 ng umaga, ay mapapanood ng live sa ABS-CBN ang coronation ng tatanghaling Miss Universe 2019.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.