Australian na nagbebenta ng siomai burger, palamig sa Lipa City kinaaliwan

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2019 03:51 PM

Kinilala ang lalaki na si Adam Barry, na tubong Adelaide, Australia pero piniling magretiro sa Pilipinas matapos makapangasawa ng Pinay. Larawan mula kay Rio Rivera


LIPA CITY, Batangas — Hinangaan ng netizens ang isang Australian national na namataan sa isang night market na nagbebenta ng siomai burger, palamig, at iba pang pagkain. 

Sa post ni Rio Rivera, ikinuwento niya kung paano siya nagulat nang makita ang lalaking banyaga na nagnenegosyo sa kaniyang siyudad. 

Kinilala ang lalaki na si Adam Barry, na tubong Adelaide, Australia pero piniling magretiro sa Pilipinas matapos mapangasawa ang Pinay na si Cherry.

Kuwento ni Barry, 24 taon siyang aircraft engineer sa isang airline company pero mas pinili niyang magretiro nang maaga para mamuhay nang simple kasama ang asawa.

"No regrets at all coming to the Philippines. The life we have here, the cats, the food cart, it's a good life," aniya. 

Kuwento ni Cherry, na dating overseas Filipino worker sa Malaysia, nakilala niya ang asawa sa isang dating site. Hanga daw siya sa kabaitan ng mister.

"Iba po siya. Masipag po siya, tinutulungan ako sa bahay, tapos kapag may problema, pinag-uusapan namin," ani Cherry. 

Naaaliw naman ang mga mamimili tuwing nakikita ang banyagang food vendor. 

"First time ko po makita na sa food cart, hindi Pilipino ang nagtitinda, dito pa sa probinsiya ah," ani Miguel German, Jr.

"Ngayon ko lang siya nakita, nabigla po talaga ako," sabi naman ni Jessica Magno.

"Nakaka-proud po kasi nakikita ko po sa kaniya na may pusong Pinoy siya," ani Miriam Salazar.

Payo ni Barry, huwag ikahiya anuman ang trabaho. Ang mahalaga ay maging masaya sa lahat ng ginagawa.

— Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.