Gift wrappers na gawa ng mga batang may special needs pinakyaw matapos mag-viral

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 05:25 PM | Updated as of Dec 14 2019 07:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi inakala ni Ivie Napisa na magva-viral sa Twitter ang mga retrato ng Christmas wrapper na dinisenyo ng kaniyang mga estudyanteng may special needs.

Layon lang daw kasi niyang ibida ang talento ng mga estudyante niya sa pamamagitan ng mga pambalot ng mga regalo.

"Ang gusto po namin is ma-showcase 'yong talents ng students namin through gift wrappers," ani Napisa na nagtuturo sa Independent Living Learning Center (ILLC) sa Mandaluyong City.

"Hindi namin in-expect na sobrang positive 'yong response ng mga tao," aniya.

Matapos i-share ni Napisa sa Twitter ang mga retrato, naubos agad sa loob lang ng 2 araw ang 1,200 piraso ng gift wrapper, na ibinebenta sa presyong P10 kada isa.

Isa si Nina Bantoto sa mga estudyanteng nagda-drawing ng bagong design para sa susunod na batch ng mga Christmas wrapper.

Kabilang sa mga ginuguhit niya ay mga pagkain at si Santa Claus.

"I drew the Noche Buena food... because I'm so excited Christmas is here," ani Bantoto.

Ayon kay ILLC Director Archie David, malaki ang epekto ng mga ganoong proyekto sa mga estudyanteng may special needs.

Bukod kasi sa nailalabas nila sa pamamagitan ng drawing ang kanilang mga damdamin at naipapakita ang pagiging malikhain, natuturuan din umano ang bata ng pagbebenta at halaga ng pagtatrabaho.

"Once mayroon silang nabebenta doon sa products nila, natuturuan din natin 'yong estudyante ng value ng work and earning," ani David.

"This gives them an insight that whenever they render work, they can actually also make money, earn income. Part 'yon ng goal ng school, to help our students lead independent lives in the future," dagdag niya.

Nagbukas na rin ng sariling Instagram account (@illc_philippines) ang paaralan para sa mga nais bumili ng Christmas wrapper at iba pang produkto ng mga estudyante.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.