Style tips para sa Pasko, ibinahagi ng fashion designer

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 06:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kaliwa't kanan na naman ngayong holiday season ang mga Christmas party at reunion kasama ang mga kaibigan at kaanak.

Para sa mga nais makapukaw ng pansin ng iba sa mga dadaluhang pagtitipon o sa mga nais lamang manamit nang naaayon sa okasyon, nagbahagi ng ilang tips sa pananamit para sa Pasko ang fashion designer at entrepreneur na si Chynna Mamawal.

Ayon kay Mamawal, ang pananamit nang naaayon sa okasyon ay isang paraan ng pagpapakita ng isang tao ng kaniyang asal kaya mahalagang paghandaan din ito.

"Dapat bagayan kung saan tayo pupunta. Baka mamaya punta ka formal dinner tapos naka-jeans lang," sabi ni Mamawal sa programang "Todo-Todo Walang Preno" ng DZMM.

"Manners 'yong pananamit eh, dapat parang papakita mo sa taong kikitain mo na nag-effort ako for this event," aniya. 

Ayon kay Mamawal, isa sa mga disenyo na puwedeng suotin ngayong Pasko ang polka dots o iyong mga bilog-bilog na disenyo sa tela.

Uso rin aniya ngayong Pasko ang mga "all white" na damit dahil "malinis tingnan."

Maaari ring magsuot ng mga kulay pula at berde na sumasalamin sa mga kulay ng Pasko.

Puwede rin daw ang mga damit na may metallic colors o iyong mga kulay na mistulang pinakintab na bakal.

Para sa mga lalaki, puwede umano silang magsuot ng mga polo na may polka dots at prints, at ternuhan na lamang ito ng mga simpleng jacket kapag kaswal ang okasyon o suit kapag pormal.

"Simple lang 'yong labas and then sa inner, print [o] polka dots," ani Mamawal.

Kapag kaswal lamang ang okasyon, sneakers ang inirerekomenda ni Mamawal na sapatos. Kapag pormal naman, loafers at slip-ons ang maaaring suotin sa paa.

Ilan naman sa mga inirekomenda niyang aksesorya ay mga gintong hikaw at mga bowtie o knecktie na may prints.

Nagpaalala din si Mamawal na mahalagang may kumpiyansa sa sarili at sa kasuotan.

"Kasi kahit ano pa suotin natin, if hindi tayo confident, walang mangyayari," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.