Dalagang may cerebral palsy, wagi sa pageant

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2017 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Wagi ang isang dalagang may cerebral palsy sa isang pageant ng mga "children with special needs" na dinaos nitong Sabado sa Henry Lee Irwin Theater sa Ateneo de Manila University.

Itinanghal na Miss Possibilities 2017 si Jennica Garcia.

Sa kabila ng pagkakaroon ng cerebral palsy, nakapagtapos si Garcia ng kolehiyo at nakapasa sa licensure exam sa pagiging guro.

Pero hindi naman bigo ang 11 iba pang kandidata dahil lahat sila'y nakatanggap ng natatanging parangal.

Sa timpalak, ipinamalas ng mga kandidata ang kanilang angking ganda at talento. May ilang nagtanghal sa pamamagitan ng pag-awit habang ang iba'y nagpakita ng galing sa pagsayaw.

"We want people to value each person as they are," ani Suzanna Yuzon, pangulo ng Miss Possibilities Foundation.

Kabilang din sa mga lumahok si Mina Princess Klenk, ang kapatid ng aktres na si Ara Mina.

Batid ng ilang magulang ng mga kandidata na may mga pagsubok sa pagpapalaki ng children with special needs pero lahat umano ito'y nalalampasan basta may suporta ng pamilya.

"Kailangan mahaba ang patience mo ... accept the condition, accept the child," ani Christine Escasinas, ina ng isa sa mga kandidata.

Dumalo rin sa okasyon ang iba pang artista gaya nina Mylene Dizon at Judy Ann Santos.

Panawagan nila na maging maingat sa paggamit ng mga salitang maaaring makasakit sa mga children with special needs.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.