23 days to Christmas: 'Orchid in a bottle', patok na regalo sa Pasko

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2017 06:39 AM

Sa sa mga maaring panregalo ngayong Kapaskuhan ang "orchid in a bottle."

Ito ay isang maliit na sibol ng orchid na inilagay sa loob ng maliit na bote.

Ayon kay Professor Ryan Rodrigo Tayobong ng Institute of Crop Science sa University of the Philippines sa Los Baños, ang orchid in a bottle ay isang halimbawa ng tissue-culture souvenir.

"So ngayon dito sa orchid nursery, meron kaming tinatawag na tissue-cultured souvenir. Ito para siyang tissue cultured o galing sa embryo ng mga halaman specifically orchids na nasa loob ng bote," aniya.

Dumaan ito sa natural na proseso ng pollination.

"For embryo culture, nagsisimula tayo sa pollination para makabuo tayo ng pod ('yung may lantang bulaklak), so from the pod, iha-harvest natin ito and then dadalhin natin sa loob ng laboratory. Doon sa laboratory, doon naman natin pinapa-germinate itong mga seeds from the pod," paliwanag ni Tayobong.

Matapos ang anim na buwan, maari nang tanggalin sa bote at itanim ang orchid.

"Pagkatanggal natin sa bote, kailangan nating tanggalin 'yung agar, 'yung kung saan nakatim yung halaman sa loob ng bote so dapat linising mabuti. Tapos kuha lang tayo ng paso, plastic man o clay lalagyan natin ng charcoal o uling o pwede rin namang coconut," ani Tayobong.

May iba't ibang kulay ang pinagtatamnang nutrient solution. Maari rin itong i-customize depende sa hilig na disenyo ng pagbibigyan ng regalo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.