TINGNAN: Detalye ng mga kasuotan ng Pinay beauty queens sa SEA Games

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 08:22 PM | Updated as of Nov 28 2019 10:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ipinakita na ang mga pabulosong detalye ng mga kasuotan ng Pinay beauty queens na magiging muse sa opening ceremonies ng 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Ang beteranong designer na si Eric Pineda ang napili para gumawa ng mga terno na susuotan ng mga beauty queen na magsisilbing muse ng 11 bansa sa SEA Games sa Sabado.

Kabilang sa mga muse ang mga sumusunod:

  • Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach para sa Pilipinas
  • Miss Earth 2014 Jamie Herrell para sa Singapore
  • Miss Earth 2015 Angelia Ong para sa Thailand
  • Miss Earth 2017 Karen Ibasco para sa Myanmar
  • Miss World 2013 Megan Young para sa Indonesia
  • Miss International 2005 Lara Quigaman para sa Malaysia
  • Miss Intercontinental 2018 Karen Gallman para sa Brunei
  • Miss Multinational 2017 Sophia Senoron para sa Cambodia
  • Miss Eco International 2018 Cynthia Tomalla para sa Laos
  • Miss Tourism International 2017 Jannie Alipo-on para sa Timor Leste
  • Miss Asia Pacific International 2018 Sharifa Akeel para sa Vietnam

Isa sa highlight ng mga kasuotan ang malabulaklak na neckpiece ni Wurtzbach, na gawa ni Gerry Sunga.

Gawa naman sa anahaw at gintong lacquer paint ang terno ni Wurtzbach.

Kawayan naman ang terno ni Herrell, na may narra at gintong kuwintas.

Mga habing bulaklak naman mula Ibaan, Batangas ang suot ni Alipo-on.

Mother of pearl at Carabao horn ang mga neckpiece para kina Ibasco at Ong.

Mga kiping naman mula Lucban, Quezon anginspirasyon ng suot ni Young.

T'nalak terno naman ang ginawa para kay Akeel.

Idaraos sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan ang opening ceremonies ng 30th SEA Games.

Watch more in iWant or TFC.tv

SUOT NG ATHLETES

Angat naman ang Pinoy pride nang ibandera ng designer na si Francis Libiran ang susuoting Barong Tagalog sa parade of athletes sa opening ceremonies.

"Ang ginamit naming fabric is jusi... kasi para matibay for the athletes and we made a print noong sun from our flag and in the middle of it is a pintados tattoo representing bravery, courage, and winning," ani Libiran.

Ayon kay Libiran, puwede pang gamitin ng mga atleta at delegado ang barong kahit tapos na ang SEA Games.

"In-incorporate namin 'yong kulay ng bandila natin... which is detachable so that the athletes can wear it after the event," aniya.

Higit 2,000 barong ang ginawa ni Libiran para sa mga delegado kaya 3 buwan daw silang nanahi para maipagmalaki ang kasuotang Pinoy.

Nauna nang ipinasilip ni Libiran ang mga barong noong Agosto.

— Ulat nina Mario Dumaual at Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games