TIPS: Doktora may paalala sa mga nagbabalak magpabakuna vs polio

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2019 10:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kasabay ng pagdami ng kaso ng polio sa bansa ay pinaigting na rin ng pamahalaan ang pagbibigay ng bakuna kontra sa peligrosong sakit. 

Ayon kay Dr. Corazon Flores ng Metro Manila Center for Health Development, may mga dapat alalahanin bago magpabakuna kontra polio. 

Aniya, hindi muna dapat pinapakain ang bata 30 minuto bago magpabakuna. 

Ito ay para hindi masuka ang bata pagkatapos mapatakan ng oral polio vaccine (OPV) at ng bitamina. 

"Ang tendency [kasi is] na kapag busog isusuka ng mga bata," paliwanag ni Flores sa programang "Good Vibes" ng radyo DZMM. 

Maaari naman daw pakainin ang bata 30 minuto pagkatapos ng pagpapabakuna. 

Tiniyak din ni Flores na hindi nakasasama sa katawan ang muling pagpatak ng polio vaccine. 

Magkakaroon ng sabayang pagbibigay ng OPV ang Department of Health sa ilang parte ng Kamaynilaan at Mindanao mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 8. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.