Mga estudyante sa UST nag-flash mob bilang hudyat ng Kapaskuhan

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2019 01:34 PM

 

MAYNILA - Hindi kumpleto ang Kapaskuhan sa University of Santo Tomas (UST) kung wala ang iba't ibang palamuti at mga pakulo sa loob ng campus.

Kaya naman lalong naramdaman ng mga taga-UST ang simoy ng Pasko nang mag-flash mob ang ilan sa kanilang mga estudyante.

Sa video na in-upload sa official page ng unibersidad, makikitang biglang lumapit sa Plaza Mayor sa loob ng campus sa Maynila ang ilang estudyante at unti-unting nagsimulang umawit at tumugtog ng "Pasko Na Naman," isang tradisyonal na Filipino song pang-Kapaskuhan.

Pawang mga miyembro ng iba't ibang choral groups ng unibersidad at mga musikero ang nagtanghal sa flash mob.

"Pasko na naman! Paskuhan na naman! Ating salubungin ang Kapaskuhan nang may pagpapasalamat at galak," pahayag ng unibersidad sa caption ng video, na umani na ng may higit 15,000 reactions, 385,000 views at 9,000 shares Sabado ng tanghali.

Kilala ang UST, na itinuturing na pinakamatandang Catholic university sa Asya, sa mga pakulo tuwing Pasko gaya ng "Paskuhan," kung saan ipinamamalas ang iba't ibang palamuti at nagniningning na Christmas lights sa loob ng eskuwelahan.

Karaniwang ginaganap tuwing una o ikalawang linggo ng Disyembre ang Paskuhan, na dinadaluhan hindi lang ng mga taga-UST kundi mga galing pa sa ibang eskuwelahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.