'Likes' bilang batayan ng grado sa student projects ikinabahala

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 01:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinabahala ng isang eksperto ang pagbibigay ng mga guro sa mga estudyante ng mga proyekto na social media likes ang batayan ng grade.

Sa pagtalakay ng programang "Sakto" ng DZMM sa wastong paggamit ng mga bata ng social media, sinabi ng child development specialist na si Clarissa Ligon na isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng social media account ang mga bata ay dahil sa mga proyektong ibinibigay sa mga ito sa paaralan.

"Mayroon din kasi tayong nakikitang project sa school na kung saan ipo-post 'yong project... tapos 'pag marami 'yong likes, mas mataas 'yong grade," ani Ligon.

"Siyempre ikaw naman bilang estudyante, kailangan gawin mo siya tapos 'yong parent, isu-support. Kaya mayroon tayong mga bata na nagkakaroon ng account sa social media," aniya.

Nagpahayag ng pagkabahala si Ligon ukol sa maaaring ituro ng ganoong klaseng grading system sa mga bata.

"'Pag hindi marami ang likes, hindi maganda ang gawa," ani Ligon.

Nagiging batayan tuloy ng validation ng bata ang social media "likes" at minsa'y nagiging sanhi pa ng depresyon, ayon sa host ng programa na si Kim Atienza, bagay na sinang-ayunan ni Ligon.

"'Yan daw ang nagiging cause ng depression. Kapag kaunti ang likes, they feel invalidated," ani Atienza.

"'Yan ang side na 'di maganda sa social media," dagdag ni Ligon.

Tinalakay sa programa ang paggamit ng mga bata sa social media matapos ihain sa Kamara ang isang panukalang layong ipagbawal ang mga may edad 13 pababa sa paggamit ng social media platform gaya ng Facebook at Twitter.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.