ALAMIN: Tips sa pagpili ng ligtas na laruan

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 06:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga laruan para sa mga bata, lalo na't minsa'y nagtataglay ang mga ito ng mga mapanganib na kemikal. 

Sa programang "Sakto" ng DZMM nitong Lunes, ibinahagi ni Thony Dizon, chemical safety campaigner ng grupong Ecowaste Coalition, ang ilang gabay sa maiging pagkilatis sa mga laruang itinitinda sa merkado. 

Ayon kay Dizon, dapat iwasan ng mga mamimili na bumili ng mga laruang kinulayan ng pinturang may tingga (leaded paint) o yari sa polyvinyl chloride (PVC).

Itinuturing kasing neurotoxin o kemikal na nakalalason sa utak ang lead o tingga.

Ang PVC naman ay isang uri ng plastik na pinalalambot kapag ginagamit sa pagbuo ng laruan. 

Upang palambutin, ginagamitan ito ng phthalates, isang uri ng kemikal na carcinogenic o nagdudulot ng kanser.

Ani Dizon, bukod sa pagsubo sa mga laruan, maaaring makuha ng mga bata ang mga delikadong kemikal sa paglanghap o simpleng paghawak.

Dagdag ni Dizon, bagama't ipinagbabawal mg Republic Act No. 10620 o Toy and Game Safety Labeling Act of 2013 ang mga delikado't nakalalasong laruan, marami pa rin ang nakalulusot.

"Kung hindi maaayos 'yong regulation natin dito, nakakalusot sa merkado ‘yong pagbebenta ng ganitong klaseng laruan," pahayag ni Dizon.

Bukod sa mga materyales, payo rin ni Dizon na iwasan ang mga laruang may talim at nakasusugat.

Maiging tingnan din ang label o panuntunang nakatatak sa lalagyan ng laruan upang malaman kung angkop ang laruan sa edad ng bata.

"May mga kababayan kasi tayong ang unang tinitingnan ‘yong presyo kahit hindi na nga angkop sa kanilang mga anak ‘yong laruan," ani Dizon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ibinida rin sa programa ang mga laruang likha ng mga taong may pisikal na kapansanang naninirahan sa Tahanang Walang Hagdanan.

Ayon kay Lita Evangelista, sales and marketing director sa Tahanang Walang Hagdanan, tiyak ang kaligtasan ng kanilang mga produkto.

Ito'y dahil gawa sa kahoy at water-based paint ang kanilang mga laruan.

Mayroon din silang lisensiya mula sa Food and Drug Administration.

Abot-kaya rin ang presyo dahil may mga laruan silang ibinebenta sa halagang mas mababa sa P100. 

Sa mga nais bumili ng mga laruan mula sa Tahanang Walang Hagdanan, maaaring tumawag sa numerong 531-5733 o pumunta sa kanilang lugar sa Marick Subdivision, Barangay Santo Domingo sa Cainta, Rizal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.