Medical service, libreng gupit hatid sa mga taga-Tacloban

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2019 01:02 PM

Isa ang libreng gupit sa mga serbisyong hatid ng ABS-CBN sa higit 800 mula Tacloban City at mga karatig-lugar noong Sabado. ABS-CBN

Iba-ibang serbisyo ang hatid ng ABS-CBN sa higit 800 tao mula Tacloban City at mga karatig-lugar noong Sabado sa idinaos na Kapamilya Love Weekend.

Kabilang sa mga serbisyong ibinigay sa 830 Kapamilya ay medical at dental check-up, libreng gupit, libreng masahe, at mga serbisyo mula sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng Public Attorney's Office, Social Security System at Philhealth.

Isa sa mga maagang pumila para sa Kapamilya Love Weekend ay ang 60 anyos na si Artemio Manalo, isang magsasaka mula Tacloban.

Ayon kay Manalo, pahinga muna siya sa pagtatrabaho sa sakahan para libreng makapagpagupit ng buhok.

Ginunita rin ni Manalo nang matulungan siya ng ABS-CBN matapos tamaan ng bagyong Yolanda (Haiyan) ang kanilang lugar noong 2013.

Bumiyahe naman ang kasambahay na si Maria Paspos mula San Isidro, Leyte para makapagpagupit, magpa-check up at mapabunot ang kaniyang 2 sirang ngipin.

Bukod sa mga serbisyo, nagbahagi rin ng kaalaman ang mga pulis para makaiwas ang publiko sa cyber-bullying.

Nagpasaya rin sa mga dumalo ang komedyanteng si Pooh at aktor na si RK Bagatsing.

Ang Kapamilya Love Weekend ay bahagi ng pagbibigay ng serbisyo publiko ng ABS-CBN kasabay ng pagdiriwang nito ng ika-65 anibersaryo. -- Ulat ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.