RED ALERT: Gumagamit ng dating apps? Mag-ingat sa 'love scam'

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2018 04:33 PM


Dahil sa oras ng kaniyang trabaho, hirap makakilala ng manliligaw ang 31-taong gulang na call center agent na si alyas "Jane." 

Kaya para malibang ang sarili, tinanggap niya ang rekomendasyon ng kaniyang kaibigan na gumamit ng isang dating application. 

Hindi niya lubos akalain na dito pala siya mabibiktima ng isang online modus na kung tawagin ay "love scam."

“Na-curious lang ako kasi since wala rin naman akong ginagawa. Minsan, hindi ako makatulog so may mga times na nagbubukas ako nung dating app na iyon,” kuwento ni Jane.

Sa pamamagitan ng naturang dating app, nakilala ni Jane si Matthew, isa umanong software engineer sa Japan.

“Vinisit ko 'yung profile niya and nag-match kami. Almost 90 percent. Pareho kami ng mga gusto sa buhay," ani Jane.

"Unang-una, ang sinabi niya, tina-try niyang kalimutan lahat ng past na nangyari sa kaniya. Dapat daw ikakasal na siya pero namatay daw 'yung fiancee niya. So he was trying to forget everything kaya dinelete niya lahat ng social media niya,” ani Jane.

Dahil unti-unti nang nahuhulog ang kaniyang loob, hindi nagawang magduda ni Jane sa kausap.

“Consistent siya sa pagtawag pero hindi pumasok sa isip ko na mag-video call kami kasi iniiwasan niya. Parang nagdadahilan siya kapag sinasabi kong i-try naming video call. Never kaming nag-video call.”

Lalong nasiyahan si Jane nang magkaroon sila ng kasunduang magkita nang personal sa Maynila.

“Nung sinabi niya na uuwi siya ng Pilipinas on that week, doon ako parang nag-full trust sa kaniya. He mentioned na may a-attendan siyang conference sa Cebu. Pagka-check ko nung sinabi niyang conference sa Cebu, mayroon. So napanatag ako,” sabi ni Jane.

Noong araw ng kanilang pagkikita, nakatanggap ng tawag si Jane mula kay Matthew. 

“Iyung wallet daw niya, pagbalik niya ng gabi after the conference, nahulog daw. So 'yung wallet niya nandon daw. Lahat ng cards niya at 1,500 US dollars," anang biktima.

Kahit hindi pa niya nakikita si Matthew, nagpadala ng perang higit P50,000 si Jane.

"Hindi pa rin ako nagduda eh. Kasi in-assure niya ako na babayaran niya at hiningi niya 'yung account number ko para i-deposit daw doon 'yung pera,” ani Jane.

Nang dumating si Jane sa pinagkasunduan nilang tagpuan, hindi na muling nagparamdam si Matthew.

Doon na napagtanto ni Jane na nabiktima siya ng naturang kausap. 

“Doon ako na-start na ma-depress. So umiiyak ako. Araw-araw iniisip ko 'yung pera ko na nawala sa akin. Okay lang, pero 'yung emotional damage na naidulot niya sa akin. Iyon 'yung hindi ko matanggap kasi nawalan na rin ako ng tiwala sa lahat ng kausap ko,” sambit ng biktima.

Hindi na rin siya gumagamit ng dating apps.

“Sa ngayon, mas focused lang ako sa pamilya ko tsaka sa trabaho ko kasi mahirap pilitin ang isang bagay na hindi ka handa. So ngayon, hinahayaan ko lang na makakilala ako ng mga ibang tao at na hindi na ako magfo-focus sa virtual na relasyon. Kundi sa totoong taong nakasama mo,” dagdag niya.

Kabilang ang naranasan ni Jane sa mga karaniwang inirereklamo sa NBI Cybercrime Division na tinatawag na "love scam."

“Madami kaming cases na ganiyan na nakipag-meet lang sa online tapos may constant communication sila and, somehow, medyo nahuhulog 'yung loob ng victims,” paliwanag ni Victor Lorenzo, hepe ng NBI Cybercrime Division.

“Kapag continuous ang demand for money, hindi na iyan… it’s not a relationship anymore. It’s already an extortion,” dagdag ni Lorenzo.

Maaaring dumulog sa NBI Cybercrime Division o sa PNP Anti-Cybercrime Group kung maging biktima ng modus na ito.

NBI Cybercime Division:
Hotline – (02) 523-8231 to 38
E-mail – director.nbi@gov.ph
Website – https://nbi.gov.ph

PNP Anti-Cybercrime Division
Hotline – (02) 414-1560 / (02) 723-0401 loc. 5313
Mobile – 0998-568-9082
E-mail – pnp.anticybercrimegroup@gmail.com
Website – www.pnpacg.ph

Paliwanag ni Lorenzo, hindi lahat ng dating apps ay masama. Mas makabubuti lang kung maging mapanuri sa mga kausap para hindi maloko. Kung manghingi ng pera ang kausap, agad na magduda.

Sundan ang programang “Red Alert” sa Facebook (fb.com/RedAlertABSCBN) at Twitter (@ABSCBNRedAlert).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.