Toy-car collection ng mag-ama sa Ilocos Sur, umabot sa P1.5-M ang halaga

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2019 01:33 AM

Ang toy-car collection ng mag-amang Rapacon ay may higit 100 modelong nagkakahalagang P1.5 milyon. Retrato ni Marvin Agustin

VIGAN CITY—Isang mag-ama mula sa lungsod na ito ang nahumaling sa pangongolekta ng laruang sasakyan hanggang sa umabot ang kanilang koleksyon sa halagang P1.5 milyon.

Ang toy car collection, na may higit 100 na mini Ferrari toy sports car, ang pinakaingat-ingatan ng 11-anyos na si Gian Gabriel Rapacon at ama niyang si Jonathan Rapacon.

“Gusto ko kasi ang mga ito kasi maganda at uso," ani Gian.

Saad ni Jonathan, na nagtatrabaho sa Italy, pinangarap niyang magkaroon ng ganitong koleksyon noong bata pa siya.

“Noong bata ako, hindi ko mabili ang mga gusto ko. Noong nagka-trabaho na ako at napunta sa Europa, dito sa Italy, nabibili ko na,” ani Jonathan.

Aniya, ikinatuwa niya na pareho sila ng hilig ng kaniyang anak.

“Sabi niya, 'Daddy gusto ko ganyang sasakyan, ang ganda,'" kuwento ni Jonathan.

Bukod sa toy cars, may mga sapatos, t-shirts, at sumbrero sa kanilang collection.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.