Syrian vlogger pinakyaw ang bigas ng magsasaka para sa Mindanao quake victims

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2019 02:48 AM | Updated as of Nov 09 2019 04:50 AM

MAYNILA—Pinakyaw ng isang Syrian vlogger ang panindang bigas ng isang magsasaka sa Pampanga para gawing donasyon sa mga nasalanta ng lindol sa Mindanao.

"Support our local farmers . . . Ang kita po ng kanilang bigas ay napupunta po sa kanila ng buong-buo walang middleman in short," ani Basel Manadil na naninirahan na sa Pilipinas ng higit 5 taon.

Kuwento ni Manadil sa kaniyang Facebook post, nagtungo siya ng Pampanga para direktang bumili ng bigas sa mga magsasaka.

"Kung wala sila, wala tayong pagkain sa mesa. Saludo po ako sa mga local farmers," aniya.

 

Hinihikayat naman ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ang mga Pinoy na sundin ang ginawa ni Manadil.

"Tayo, bilang mga Pilipino, ay dapat rin bumili ng bigas direkta sa ating mga magsasaka," pahayag ng ahensiya sa Facebook.

Nitong buwan lang din, bumili si Manadil ng 1,000 blanket at tent para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.