'Varicose veins, stroke, maaari dahil sa last-minute Christmas shopping'

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 08:57 PM

Ngayong papalapit na ang Pasko, inaasahang mapapasabak na naman sa Christmas rush ang mga Pinoy. 

Babala ng Department of Health (DOH), ang labis na stress dulot ng last-minute shopping ay maaaring maging sanhi ng iba-ibang problema sa kalusugan, tulad ng hypertension, at heart disease. 

"Sa sobrang tagal na pagkakatayo, maaaring 'yung dugo galing sa utak, bababa at bumababa 'yung blood pressure natin... Maari itong magbara at umikot sa katawan, at mag-cause ng sakit katulad ng stroke at heart attack," ani DOH Undersecretary Eric Domingo.

Hindi rin umano dapat balewalain kung sasakit ang mga binti bunsod ng pagtayo nang mahabang oras sa mga mall. 

"Maaaring magkaroon din tayo ng varicose veins at vein thrombosis pag namuo 'yung dugo sa ating mga binti," dagdag ni Domingo.

DISKARTE NG MGA PINOY 

Dahil dito, maaga pa lang ay gumawa na ng listahan ng mga reregaluhan si Gina Zapata. Tumitingin-tingin na rin siya sa internet ng mga maaaring bilhin. 
    
Hindi raw ito bunga ng excitement kundi ng mga karanasan niya sa tuwing magla-last minute shopping. 

"Di ba ang shopping nakakasaya? Ang mangyayari ngayon, pagtapos mo mamili pagod na pagod ka na, gutom na gutom ka pa. Nakaka-stress talaga," aniya.

Minsan na raw kasi niyang naranasan ang mala-apocalypse na siksikan sa mall, ganon din ang "carmageddon" o ang labis na pagsisikip ng kalsada. 

Si Ann Ruth Gochingco naman, iniinda rin ang epekto ng Christmas rush lalo na ang pagtayo nang matagal dahil sa mahahabang pila. 

"Madalas hilo, kasi the malls when they’re all cramped mainit din eh. Tapos namimintig 'yung paa mo. You feel heavier, sluggish, lazy," hinaing ni Gochingco.

Kaya paalala ni Domingo, iwasan ang labis na stress sa pamimili at magplano na para hindi maubos ang oras at budget sa mga hindi mahahalagang bagay. 

—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.