TINGNAN: Street vendor, libreng nagtuturo sa ilang kabataan

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 07:13 PM

Ayon sa 66 anyos na vendor, dati na siyang suma-sideline bilang tutor sa elementary students sa Bocaue, Bulacan, bukod pa sa pagtatrabaho bilang janitor at messenger. Screengrab

Hinahangaan ngayon ang isang 66 anyos na street vendor sa Quezon City dahil bukod sa pagtitinda, abala rin ito na nagtuturo nang libre sa mga bata sa kaniyang puwesto. 

Kuwento ni Bayan Patroller John Faigmani, natunghayan niya mismo noong Nobyembre 5 ang kumpulan ng mga bata at ng tinderong si Guillermo de Guzman, ngunit nagulat siya nang malaman ang kanilang pinagkakaabalahan.

"Nagtanong ako sa bata kung anong meron, may binebenta ba? Tapos sinabi ng bata na tinuturuan sila. Libre. So may kurot sa puso ko kasi dati ginagawa ko rin 'yun. So nakakatuwang isipin na may mga tao palang nabubuhay sa ganu'ng adbokasiya rin," ani Faigmani.

Tubong Bulacan si De Guzman na nagtitinda ng accessories sa isang bangketa sa EDSA corner Mapagmahal street, Barangay Pinyahan, Quezon City.

Anang vendor, dati na siyang suma-sideline bilang tutor sa elementary students sa Bocaue, Bulacan bukod pa sa pagtatrabaho bilang janitor at messenger. 

"Iyung mga bata na 'yan pag dumadaan bibili, nangungulit... [So gumawa] ako ng short exam, short quizzes na kapag nasagot ninyo kung sino ang highest pointer a week, 'yun ang bibigyan ko [ng earphones] and in fact libre pa kung gusto niyo. So parang na-challenge sila," kuwento ng vendor.

Malaki naman ang pasasalamat ng mga "estudyante" ni De Guzman sa kaniya. 

"Nai-inspire po ako na mas lalong magpursige sa pag-aaral," ani Liam Mallanao. 

"Alam niya po 'yung algebra, tsaka 'yung English po. Tinuturuan niya po kami," ayon naman kay JM Pentiño.

Para kay De Guzman, masarap sa pakiramdam na makabahagi ng kaunting kaalaman sa mga bata na walang hinihinging kapalit. 

May payo rin siya sa mga kabataan.

"Ang masasabi ko sa inyong mga kabataan, pakiusap lang magsikap kayo mag-aral sapagkat 'yan ang tanging kayamanan na di mananakaw. 'Yan ang tanging kayamanan na ipapamana sa inyo ng inyong mga magulang," paalala ni De Guzman.

—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.