Police mobile ginawang 'library' para sa mga batang lansangan

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 09:04 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

May nag-iikot na police mobile sa Maynila hindi para manghuli ng mga lumalabag sa batas kundi para magturo sa mga batang palaboy. 

Kung dati'y kinatatakutan ang pagdating ng police mobile, ngayon ay mga batang lansangan pa mismo ang sumasalubong dito.

Mga unipormadong pulis pa rin ang sakay nito, pero imbes na baril ay mga libro na ang bitbit nila.

Tuwing Miyerkoles at Biyernes ay nakaabang na ang 20 anyos na si Marie Claire Parocha sa pagdating ng mobile library. 

"Nu'ng kinausap kami ng mga pulis, lahat kami natuwa kasi lahat kami di po nakapagtapos... Gusto kong kunin talaga criminology," kuwento ng dalagita. 

Gamit ang mobile truck library at visual aids, tinuturuan si Parocha at mga kasama niyang tambay sa Roxas Boulevard ng personal hygiene, good manners at right conduct. May libreng pakain at school supplies pa ang mga pulis.

"Gusto namin makatulong sa kanila para sa gano'n magkaroon sila ng hope na mabago nila ang buhay nila," paliwanag ni SPO1 Dennis Bendo.

Madiskarte rin sila para hindi magpulasan ang mga tinuturuan.

"Nagpapalabas kami para matawa sila, maalala nila na masaya pala ang buhay. Pati mga storytelling, alamat, lahat ng puwedeng ituro nilalagay namin," ani Bendo. 

Kasisimula pa lang ng five-year program ng Philippine National Police (PNP) pero nakakakita na sila ng pagbabago sa mga bata.

"Nag-i-improve sila sa paggalang sa kapwa tao, sa batas," ayon kay Bendo.

—Ulat ni Gretchen Ho, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.