'Halik' sa tunay na buhay: Ilang kuwento ng pangangaliwa sa mga mag-asawa

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2018 03:32 PM | Updated as of Nov 07 2018 03:47 PM

Nananatiling laman ng mga usapan sa social media ang mga maiinit na eksena mula sa primetime serye na "Halik," na tumatalakay sa sensitibong paksa ng pangangaliwa ng mga mag-asawang Pilipino.

Noong nakaraang buwan, nag-trend ang isang eksena kung saan naaktuhan ng karakter ni Jericho Rosales na nakikipaghalikan ang kaniyang misis, na ginagampanan naman ni Yam Concepcion, sa ibang lalaki (Sam Milby) habang nasa bar ang mga ito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dati na ring sinabi ni Concecpion na dahil sa kaniyang papel na isang may asawang nagtataksil, hindi siya nakalulusot sa mga basher sa social media na tila nadadala sa mga pangyayari sa serye.

Sa panayam ng programang "Rated K," sinabi rin ni Concepcion na maging siya ay naaawa para sa kaniyang karakter na si Jade dahil sa mga mali raw nitong desisyon.

"Parang 'yong moral compass niya hindi maayos. She would always choose the wrong choices in life," ani Concepcion.

Isa rin ang "Halik" sa mga palabas na nagpapakita sa realidad sa mga magkarelasyon na hindi lang ang lalaki ang nangangaliwa kundi pati ang babae.

INIWAN MATAPOS ANG HALOS 17 TAON

Ganoon ang kuwento ni Richard Roche, na iniwan ng kaniyang misis, dalawang taon na ang nakalilipas.

"Hindi ko kayang ngumiti kasi iisipin mo nagkasama kayo almost 17 years," kuwento ni Roche sa "Rated K."

Watch more in iWant or TFC.tv

"Uuwi ka, nag-aalaga siya ng bata tapos paggising mo isang umaga, bigla na lang nagbago."

Nagkaroon ng dalawang anak sina Roche at ang kaniyang misis.

Nagtrabaho siya bilang driver na kumikita umano ng minimum wage at kung minsan ay nakapago-overtime pa.

Isang beses, nagpaalam na lang daw ang kaniyang misis na uuwi ito sa kanilang probinsya sa Negros para maghanapbuhay — bagay na hindi tinutulan ni Roche sa paniniwalang makatutulong ito para sa kanilang pamilya.

"Sinabi ko naman sa kaniya na hindi ko na kakayanin na ako lang mag-isa, lalo at magkokolehiyo na iyong panganay ko," ani Roche.

"Mas maganda 'yon, sabi ko, ang kailangan ko talaga 'yong makakatulong."

Pero habang nasa Negros ang misis ni Roche, kinutuban ang lalaki nang mag-chat sa kaniya ang isang kaibigang nandoon din sa lalawigan at sinabing may ibang lalaki ang kaniyang asawa.

Dahil dito, kumuha ng espiya si Roche at nagbigay ng P4,000 kapalit ng mga impormasyon ukol sa kaniyang misis. Doon nakumpirma ni Roche ang pagtataksil ng misis.

"Wala na akong magawa. Parang ayaw ko pa rin maniwala," ani Roche.

Tinawagan ni Roche ang kaniyang misis at kinompronta ito subalit noong una raw ay tumanggi ito pero kalaunan ay umamin din daw ito.

"Ikaw ba naman mawalan ng isang mahal sa buhay. Masakit 'di ba? Masakit," ani Roche.

Wala na raw balak si Roche na buoin pa ang kanilang pamilya dahil naka-move on na raw siya.

Tinawagan ng "Rated K" ang misis ni Roche subalit tumanggi itong magpaunlak ng panayam.

INIWAN ANG ASAWA PARA SA IBANG MAY ASAWA

Kuwento naman ni alyas "Rebecca," siya ang nang-iwan sa kaniyang mister para sa ibang lalaki na noong una ay hindi raw niya alam na kasal din pala.

"Huli ko na pong nalaman na may asawa siya," ani "Rebecca."

"Noong nalaman ko po na kabit po ako, siyempre masakit po sa 'kin 'yon," dagdag ni "Rebecca," na itinuturing ding "karma" ang nangyari sa kaniya.

Umabot pa raw sa puntong natuklasan ng misis ng kaniyang karelasyong lalaki ang tungkol sa kanila at nag-eskandalo pa ang mga ito.

Sa huli, nakonsensiya rin si "Rebecca."

"Sa mga babaeng nang-iwan ng asawa, sana kilalanin niyo muna 'yong pakikisamahan niyo," aniya.

Ayon sa paring si Fr. Jerome Marquez, may kinalaman din sa pananampalataya ang pagiging mahina ng isang tao na manatiling tapat sa relasyon.

"'Yong pagtitiwala sa Diyos, kapag mahina rin 'yan, bumibigay din ang isang babae o ang isang lalaki sa pangako ng katapatan," paliwanag ni Marquez.

Ayon naman sa abogadong si Atty. Claire Castro, maaaring kasuhan ang isang taong kasal subalit nangaliwa.

Adultery ang maaaring ireklamo laban sa babaeng nakipagtalik sa ibang lalaki na hindi niya mister habang concubinage naman ang puwedeng ikaso laban sa lalaking may kerida.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.