Magkapatid, muling nagtagpo matapos mawalay ng 58 taon

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2018 01:09 PM

Inabot ng 58 taon bago muling nagkita ang magkapatid na Hermehilda (kaliwa) at Semiona (kanan).

Marami nang pangyayari sa kaniyang buhay ang halos hindi na maalala ng 75 anyos na si Semiona Dumanog Casabuena, pero ang hindi raw niya makalilimutan ay iyong sandaling iniwan niya ang kaniyang pamilya sa Samar, 58 taon na ang nakalilipas.

"Noong ako'y umalis doon, mag-16 na taon ako. Buhat noon hindi na kami nagpakita," kuwento ni Semiona sa programang "Rated K."

Pagtatanim ng dahon ng gabi ang ikinabubuhay ng pamilya ni Semiona sa Samar pero hindi raw ito naging sapat para masuportahan sila ng kanilang ama.

Kaya noong dekada '60, napilitan lumuwas papuntang Maynila si Semiona, na hirap din daw makakuha noon ng trabaho sa Samar at nakapagtapos lamang hanggang ikatlong baitang.

Una munang naging labandera si Semiona pagdating ng Maynila bago isinama ng pinsan sa Makati kung saan naging tagaluto siya sa isang maliit na kainan.

Kuwento ni Semiona, mula nang makatungtong siya sa Maynila ay hindi na sila nagkaroon ng ano mang komunikasyon ng kaniyang pamilya.

"Kapag gabi ako'y naiiyak na lang, naalala ko 'yong magulang [ko]," aniya.

PANGAKO NG MISTER, 'DI NATUPAD

Sa edad na 22, bumuo na ng sariling pamilya si Semiona.

Pinangakuan pa raw siya ng kaniyang mister na kapag sila ay nakaipon ay papapuntahin niya si Semiona sa Samar para makasama muli ang kaniyang pamilya.

"'Pag nagkapera, pumunta ng Visayas. Eh kulang pa eh," ani Semiona.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Lipa, Batangas na kasalukuyang naninirahan ang pamilya ni Semiona at ang kaniyang siyam na anak na ang umako sa nasirang pangako ng kanilang ama na muling makasama ni Semiona ang pamilya.

"Maluluha ka rin dahil 'di nga natutupad 'yong pangako," sabi ni Joel Casabuena, anak ni Semiona.

"'Yong mga kapatid niya 'di niya alam kung buhay pa o patay na, [pati] 'yong magulang niya," sabi naman ng isa pang anak na si Fernando Casabuena.

MULING PAGKIKITA

Sa pagpunta ng programang "Rated K" sa Samar, natunton nila sa bayan ng Santa Margarita si Hermehilda Dumanog Belangel.

Gaya ni Semiona, balo na rin si Hermehilda at 58 taon na rin daw niyang hindi nakikita ang kaniyang ate.

"Araw-araw naalala ko si ate, 58 years 'di kami nagkita," ani Hermehilda.

Kahit gusto mang hanapin ni Hermehilda ang ate, hindi rin daw niya ito magawa dahil sa hirap ng buhay.

Kaya ibiniyahe ng "Rated K" si Hermehilda papuntang Batangas para muli silang magkita ng kaniyang ate.

Binalikan ng "Rated K" si Semiona at nagpanggap na magshu-shoot sila ng video kung saan mananawagan siya sa kaniyang mga kaanak sa Samar.

Sa gitna ng panayam, kung saan naluluha na si Semiona, biglang dumating si Hermehilda.

Nagyakapan at naiyak na lamang ang magkapatid nang muling magtagpo makalipas ang halos anim na dekada.

Sa panayam ng "Rated K," inamin ng dalawa na hindi na raw nila inakalang magkikita pa sila muli.

"Hindi ko alam na darating ito," sabi ni Semiona.

Sinusulit umano ng magkapatid ang mga sandaling magkasama sila dahil kakailanganin pang bumalik ni Hermehilda sa Samar dahil siya ang nag-aalaga sa kaniyang mga apo doon.

Hindi man maibabalik nila Semiona at Hermehilda ang panahong nawala sa kanila, ang mahalaga raw ay muli silang nagkita bago pa maging huli ang lahat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.