Swimming sabay sa pagbisita sa sementeryo ng ilang pamilya sa Samar town

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2019 04:19 PM

Tuwing Undas, maraming tao ang nagtutungo sa mga sementeryo na kadalasang may dalang mga pagkaing pinagsasaluhan ng mga magkakamag-anak.

Pero sa Barangay Osmeña sa bayan ng Marabut, Samar, hindi lang mga pagkain ang baon ng mga pamilyang bumibisita sa sementeryo doon kundi pati mga damit panligo.

Malapit na kasi sa dalampasigan ng dagat ang sementeryo kaya isinasabay na ng iba ang paggunita ng Undas sa pagtampisaw sa tubig-dagat.

Naging tradisyon na ng pamilya ni Benjamin delos Reyes ang pagkikita-kita sa naturang sementeryo tuwing Undas.

"Kapag ganitong Undas, lahat ng pamilya magkikita-kita kahit nasa malayo, uuwi 'yan," ani Delos Reyes.

Matapos bumisita sa puntod ng yumaong kaanak, pumupuwesto na sila sa gilid ng dagat upang maligo.

May ilang pamilya, gaya ng kay Dionisia Baloso, na nagdadala pa ng bangka.

Kilala ang bayan ng Marabut dahil sa magagandang rock formations, at malinaw na tubig-dagat. -- Ulat ni Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.